Manager

Finance manager ‘nagnenok’ ng pera sa kumpanya, nabitag

Edd Reyes Nov 6, 2026
52 Views

TIMBOG ang 55-anyos na Finance Manager na sangkot sa umano’y pagnenenok ng malaking halaga ng salapi sa pinaglilingkurang kompanya sa Muntinlupa City nang matunton ng pulisya Huwebes ng gabi sa Las Piñas City.

Ikinasa ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor ang pagdakip kay alyas “Annie” na nasa Top 5 Most Wanted Person dakong alas-6:30 ng gabi nang makatanggap ng impormasyon sa kanyang kinaroroonan sa Brgy. Pamplona 2, Las Piñas City na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Bitbit ng pulisya ang warrant of arrest na inilabas ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 206 noong Setyembre 17, 2026 laban sa akusado para sa 27-bilang na kasong Qualified Theft na may inilaang piyansa na P40,000 bawat bilang o katumbas ng P1,080,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Nakadetine pansamantala sa Station Custodial Facility ng Las Piñas Police Station si alyas Annie habang hininintay pa ang paglalabas ng utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Muntinlupa City Jail.