Momo

Rain-harvesting facility sa mga  establisyemento, malls, condo isinulong

Mar Rodriguez Nov 18, 2022
137 Views

IKINABABAHALA ngayon ng isang Mindanao congressman ang lumalalang problema ng bansa kaugnay sa “Climate Change” bunsod ng pagdaluyong ng mga bagyo at mga pagbaha. Kaya inihain nito ang isang panukalang batas sa Kamara de Representantes na naglalayong sagkaan at makontrol ang impact ng mga nasabing sakuna.

Sinabi ni Surigao del Sur 1st Dist. Cong. Romeo S. Momo, Chairman ng House Committee on Public Works and Highways, na ang napipintong impact ng Climate Change sa Pilipinas ay lubhang peligroso kabilang na dito ang mga pumapasok ng super-typhoon at mga pagbaha.

Dahil dito, isinulong ni Momo ang House Bill No. 2553 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na naglalayong obligahin ang lahat ng mga bagong tayong subdivisions, condominium, communities, Malls, government institutions at business establishments na magtayo ng “rain harvesting facility” sa kanilang pasilidad.

Ipinaliwanag ni Momo na layunin  nito na ma-pre-empt o mapigilan ang mga pagbaha bunsod ng sunod-sunod na pag-ulan sa bansa. Kabilang na rin dito ang pagkakaroon ng sapat na supply ng tubig na makukuha mula sa ipapatayong rain harvesting facility.

“The serious impact of Climate Change is imminent and dangerous including but not limited to super-typhoon and severe flooding together with rain-related disasters. This further aggravated by the country’s natural vulnerable disasters. It is the intent of my bill to require all establishments to construct rain harvesting facility to pre-empt floods caused by incessant and continuous heavy rains and storms,” ayon kay Momo.

Sinabi pa ni Momo na ang rain harvesting facility ay isang “flood control structure” para pigilan ang pagbuhos ng tubig ulan sa mga tinatawag na “public system” tulad ng ilog at kanal.