Acop

House Transpo chief umalma sa mahabang pila ng OFW sa paliparan

231 Views

UMALMA si Antipolo City Rep. Romeo Acop, chairman ng House Committee on Transportation sa mahabang pila ng mga umuwing Overseas Filipino Workers (OFW) sa airport.

Agad na pinakikilos ni Acop ang Manila International Airport Authority (MIAA) at Department of Health – Bureau of Quarantine (DOH-BOQ) para matugunan ang problema na hindi umano katanggap-tanggap.

“The House Committee on Transportation under the leadership of Speaker Martin G. Romualdez is seriously considering conducting a congressional probe on this if the MIAA and the DOH-BOQ do not address this immediately,” ani Acop.

Sinabi ni Acop na pinalitan ng eArrival card ang One Health Pass (OHP) para mapadali ang paglabas ng mga dumating sa paliparan subalit baliktad umano ang nangyayari.

“Bakit ba nangyayari pa ito? Hindi ba dapat ay mas maginhawa ang buhay ng mga pasahero kasi may eArrrival Card na? Bakit mahaba pa din ang pila at tila mas pinahirap ang proseso para sa mga umuuwing Pilipino?” sabi pa ni Acop.

Kahit na ang mga kapwa kongresista umano ni Acop ay nagparating ng reklamo sa kanya matapos na makita ang sitwasyon ng mga OFW.

“VIP treatment dapat ang treatment natin sa mga returning OFWS dahil sa tulong nila sa ating ekonomiya. Pero nakakalungkot masaksihan na pauwi na lang sila sa kanilang pamilya eh dito pa sila sa sariling airport natin mahihirapan,” wika pa ng solon.

Ipinaalala rin ni Acop ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa paliparan dahil sa nalalapit na kapaskuhan.

“Magpa-pasko pa naman. Dadami pa ang uuwing Pilipino sa ating bansa. Ayaw natin na lumala ang haba ng mga pila sa ating airports,” saad pa ng solon.