Frasco

House body ipinagmalaki asenso ng PH Tourism

Mar Rodriguez Nov 19, 2022
195 Views
Madrona
Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona

Mula nang manungkulan si PBBM, DOT Sec. Frasco

INIHAYAG at ipinagmamalaki ngayon ng House Committee on Tourism na mula nang manungkulan si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at italaga naman nito bilang Kalihim ng Department of Tourism (DOT) si Maria Christina Garcia Frasco, napakalaki na ng inasenso at naging “improvement” ng sektor ng turismo ng bansa.

Sinabi ni Romblon Rep. Eleandro Jesus F. Madrona, chairperson ng House Committee on Tourism, na hindi maitatangging malaki ang naging improvement o nag-boost ng husto ang turismo ng Pilipinas bunsod ng magagandang programa at agenda na isinulong ng pamahalaang Marcos Jr. para muling sumigla ang sektor ng turismo.

Ipinaliwanag din ni Madrona na batay din sa mga datos na natanggap niya, pauti-unti na aniyang tumataas ang bilang ng mga turistang bumibista o pumapasok sa Pilipinas mula nang luwagan ang mga dating mahigpit na “restrictions” dulot ng COVID-19 pandemic.

Ayon pa kay Madrona, nanggaling mismo kay Frasco na tinatayang isang milyon at pitong daang turista ang pumasok o bumisita ngayon sa bansa, na isang indikasyon na malaki na aniya ang ini-angat kumpara noong taong 2020, o dalawang taon ang nakalipas.

“Masasabi natin na yes, oo. Nag-boost ang ating turismo mula ng maupo si Sec. Frasco sa Tourism Department. The latest report I got is we are already hitting more than what we were before, Sec. Frasco was stating that, I think, it is about one million and seven hundred tourists came and visited the Philippines. Pero ang generality is malaki na ang inangat ng ating turismo compared to two years ago,” ayon kay Madrona.

Naniniwala din ang kongresista na lalo pang madadagdagan ang bilang ng papasok na turista — dayuhan man o mga balikbayan — sa darating na panahon ng Kapaskuhan o Christmas season.

Nauna rito, ipinakita ni Frasco sa Kamara de Representantes ang mga naging achievements ng kaniyang ahensiya sa mga nakalipas na buwan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.