Calendar
1 RIDER Party List Group naghain ng panukalang batas para pangalagaan ang mga riders sa mga nabibili nilang piyesa at accessories para sa kanilang motorsiklo
ISINULONG ng 1-RIDER Party List Group sa Kamara de Representantes ang kanilang batas para mapangalagaan ang mga “motorcycle riders” sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang mga nabibili nilang piyesa at accessories para sa kanilang motoriklo ay tumalima sa regulasyong ipinatutupad ng Land Transportation Office (LTO).
Inihain ni 1 RIDER Party List Cong. Ramon Rodrigo “Rodge” L. Gutierrez ang House Bill No. 6445 upang tiyakin na ang lahat ng motorcycle parts at accessories na ibinebenta sa mga riders ay sumusunod sa regulayon at modification na ipinatutupad ng LTO.
Ipinaliwanag ni Gutierrez na ang tinatawag na “aftermarket” motorcycle parts at accessories ay tumutukoy sa mga items na makatutulong upang maging ligtas ang mga riders at para matiyak naman na mahusay ang takbo ng kanilang motorsiklo.
Sinabi ng Party List congressman na kabilang sa mga nasabing items ay ang windscreen, gulong, preno, side mirror, head light, turn signal, muffler, air filter at motorcycle stand na binibili at kinakabit sa mga motorsiklo.
Ikinatuwiran pa ni Gutierrez na hangad din ng kaniyang panukalang batas na mapangalagaan ang mga riders at delivery riders na bumibili ng motorcycle parts at accessories sa pamamagitan ng pag-utos sa mga may-ari ng tindahan o retailers na mag-issue ng warranty sa mga items na kanilang itinitinda o kaya ay ibalik ang bayad kung hindi sumusunod ang item sa pamantayang ipinatutupad ng LTO.
Ayon sa kaniya, may inilabas na pamantayan ang LTO patungkol sa “aftermarket” motorcycle parts at accessories. Subalit may mga nabibili parin ang mga riders na ang produkto ay hindi naman nakasunod sa regulasyon ng nasabing ahensiya.
Dahil dito, may mga riders ang nahuhuli ng mga traffic enforcers sapagkat nakabili sila o nagpakabit ng piyesa o accessories na tinatawag na “non-compliant” sa LTO regulation.