bong

Sen. Bong, posibleng magka-MMFF entry

372 Views

POSIBLENG magkaroon ng entry sa 2022 Metro Manila Film Festival (MMFF) si Senator Bong Revilla Jr.

Ito ang sinabi ng aktor-politiko sa virtual mediacon ng kanyang top-rating Kapuso series na Agimat ng Agila kahapon, Valentine’s Day. Anang aktor-politiko, sayang naman kasi kung hindi pa magiging regular ang pagbubukas ng mga sinehan sa bansa sa gitna ng pandemya.

Marami raw kasing natutulungan na mga taga-industriya ang paggawa ng pelikula kaya pinag-iisipan niyang mabuti ang muling pagpo-produce ng movies.

“Pwede, pwede. We’ll see, we’ll see. Sa ngayon kasi, panahon ng kampanyahan, ng eleksyon, so marami rin tayong pinagkakaabalahan.

“Pero tingnan natin, para makatulong naman tayo (sa mga taga-industriya),” paliwanag ni Sen. Bong.

Sa ngayon, ang muling pagsigla ng Philippine cinema ay nakasalalay sa muling pagbubukas ng movie theaters at pagkakaroon ng tiwala ng publiko na safe na ngang lumabas at manood ng Pinoy films.

Wish ni Sen. Bong na sana nga ay dumating ang panahon na iyon dahil sayang naman daw kung patuloy na mananamlay ang industriya ng Pinoy film production.

As for Agimat ng Agila, sinabi niya na magandang problema ang pagkakaroon nito ng malaking commercial load.

Marami kasi ang nagsasabi na puro commercial ang palabas kaya bitin sila sa panonood nito.

Ang tiniyak lang ni Sen. Bong ay patuloy nilang pagagandahin ang serye para na rin sa enjoyment ng avid viewers nito.

Sa May 7 na ang final episode ng Agimat ng Agila, kung saan kasama rin ni Sen. Bong sina Miss Universe Philippines Rabiya Mateo, Sanya Lopez, Michelle Dee at marami pang iba.

Ian F. Fariñas