Serbisyo, benepisyong bigay ng GFI na kasali sa pagbuo ng Maharilka Fund hindi maaapektuhan

159 Views

Hindi maaapektuhan ang serbisyo at benepisyo na ibinibigay ng mga government financial institution (GFI) sa pagsali ng mga ito sa itatayong Maharlika Wealth Fund (MWF).

Sa deliberasyon ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries, ipinaliwanag ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo na ang pondong ilalagak ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS) at Land Bank of the Philippines (LBP) ay hindi ang pondo para sa benepisyo ng mga miyembro nito.

“Their investible funds are separate from the funds earmarked for benefit payments,” paliwanag ni Quimbo.

Sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Manila 5th District Rep. Irwin

Tieng ay inaprubahan na ng komite ang mga amyenda sa mga probisyon ng panukala na akda nina Speaker Martin G. Romualdez, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, at Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre, at Quimbo.

Mula sa P250 bilyon, ang magiging paunang pondo ng MWF ay itinaas sa P275 bilyon—P125 bilyon mula sa GSIS, P50 bilyon mula sa SSS, tig-P25 bilyon ang LBP at Development Bank of the Philippines (DBP), at P25 bilyon mula sa National Treasury.

Ang Maharlika Investment Corporation ang mangangasiwa sa MWF.

Upang matiyak na hindi mapupunta sa katiwalian ang pondo, naglagay ang komite ng probisyon para mabuksan ng Commission on Audit (CoA) ang mga libro nito.

Mayroon ding itatayong Joint Congressional Committee na susuri sa MIC.

Ayon kay Romualdez, makatutulong ang panukala upang maabot ang Agenda for Prosperity at eight-point socioeconomic roadmap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang panukala ay halaw sa sovereign wealth fund ng Singapore at Indonesia.

“As the Philippines secures its place not only as the Rising Star of Asia but as a real economic leader in the Asia Pacific, the creation of the MIF becomes imperative,” sabi ni Romualdez.