Robin: Pananadyang paninira dapat tumbukin ng parusa

162 Views

ANG pananadyang paninira sa pamamagitan ng paglathala ng maling impormasyon ang dapat tumbukin ng parusa dahil pagtapak na ito sa karapatan ng kapwa, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Martes.

Iginiit ni Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, na hindi dapat abusuhin ang kalayaan ng pamamahayag sa ilalim ng ating Saligang Batas.

“Pag nilagyan na natin ng malisya na gusto mo siraan ang tao, yan ay mali na. Yan ho ang pagtapak na sa karapatan ng kapwa mo. At dapat lang yan may karampatang penalty,” ani Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights.

“Gawin man nating civil man yan o ano man yan, kailangan po talaga meron yang parusa,” dagdag niya.

Ayon kay Padilla, walang mali sa paggawa ng content maging sa news o social media, nguni’t ibang usapan na kung gagamitin ang kalayaan ng pamamahayag para mang-api o manira.

Dagdag ni Padilla, kailangang magkaroon ng batas para tiyaking may parusa ang mga maghahalo ng malisya sa “freedom of expression.”

“Hindi pupwedeng kapag sinabi nating kalayaan pwede mo nang tapak-tapakan ang kapwa mo, gumawa ka ng imbento, hindi naman siguro ganoon. Kailangan talaga pag sinabing kalayaan e pantay-pantay tayo diyan. Di pwede yan na wala tayong susundin na batas kaya tayo may batas, kaya tayo may kalayaan gumawa ng batas para sundin natin. Di pwedeng free-for-all ito para tayong nagsusuntukan lang sa bar di pupuwede. Kailangan sumunod sa batas,” aniya.