Imprenta ng digital version ng PhilSys ID pinamamadali

179 Views

IPINAMAMADALI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang pag-imprenta ng digital version ng Philippine Identification System (PhilSys) ID.

“Let us print out as much as we can and then isunod natin ‘yung physical ID as soon as we can,” sabi ng Pangulo sa pakikipagpulong nito kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan at iba pang opisyal ng PSA.

Pinag-usapan sa pagpupulong ang mabagal umanong pagpasok ng mga datos mula sa PSA patungo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na siyang nag-iimprenta ng mga ID.

Sinabi naman ni PSA Undersecretary Dennis Mapa na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa BSP upang mapabilis ang produksyon ng mga ID.

Dahil natatagalan ang pag-imprenta ng mga national ID iminungkahi ng PSA ang pag-imprenta muna ng digital version ng mga ito.