Calendar
PBBM nanawagan na ipagpatuloy pagsuporta para sa pag-unlad ng bansa
MATAPOS ang matagumpay na kampanya, nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang mga suporter na ipagpatuloy ang pagsuporta sa kanya sa pagharap sa mga hamon na kinakaharap ng bansa.
“Ngayon, ang pinaglalaban natin ay hindi kandidato, hindi partido, hindi para sa eleksyon pero ‘yung ating mga kailangang gawin para sa mga problemang hinaharap ninyo, natin lahat, ng buong Pilipinas,” ani Marcos.
Nakipagkita si Marcos sa kanyang mga suporter sa Malacañang.
“Kaya’t patuloy pa rin. Umaasa pa rin kami sa tulong ninyo. Umaasa pa rin kami na nandiyan kayo, na kahit papaano ay dinadala ang mensahe natin sa lahat ng ating mga kababayan. Kaya’t ‘yan ang ating mga kailangang gawin,” dagdag pa ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na mahalaga na maipagpatuloy ang suporta ngayon na mas mahalaga ang mga hakbang na dapat magawa.
“Dapat ipagpatuloy natin dahil mas mahalaga pa itong ating gagawin ngayon dahil… hindi na para sa isang kandidato ito. Hindi lang para sa isang partido ito. Ito [ay] para na sa buong Pilipinas, para sa ating mga kababayan,” dagdag pa ng Pangulo.
Ayon kay Marcos mahalaga na maipagpatuloy ang pagmamahal sa bansa at ito umano ang kanyang mensaheng dala para sa mga Pilipino na nakakasalamuha nito sa ibang bansa.
“Wala akong kaduda-duda. Dahil nakita ko na at napatunayan na ninyo sa akin at sa buong madla na talaga naman kayo ay nagmamahal sa Pilipinas at tuloy-tuloy ang magiging trabaho ninyo para pagandahin, para tulungan ang mga Pilipino, para tulungan ang pamahalaan na gawin ang mga kailangang gawin para ang Pilipinas ay masasabi natin ay binago natin at pinaganda natin,” sabi pa ni Marcos.