Calendar
Yap nanawagan sa BOC na sampahan ng kaso na walang mga big-time agri smugglers
MAHIGPIT na ipinanawagan ngayon ng isang kongresista sa Bureau of Customs (BOC) na magsampa ng mabigat na kaso at walang piyansa laban sa mga tinaguriang “big-time” smugglers ng agricultural goods upang magsilbi itong babala para sa mga illegal traders.
Binigyang diin ni Benguet Lone Dist. Cong. Eric Go Yap na kailangang gamitin ng BOC ang kanilang kamay na bakal laban sa mga big-time smugglers ng agricultural goods upang turuan ng leksiyon ang illegal traders na walang habas na nilalabag ang batas.
Sinabi ni Yap na kailangan na din kumilos ang BOC para sa agarang pagsasampa ng criminal case laban sa mga tinatawag na “consignees” ng shipment ng mga agricultural products na nagkakahalaga ng P20.2 million na pinaniniwalang smuggled matapos itong harangin ng mga Custom authorities sa Port ng Subic noong nakaraang linggo.
Ipinaliwanag ni Yap na sakaling nakalusot ang mga hinihinalang smuggled na “agricultural products”. Malaking kawalan at kalugihan aniya ito para sa mga magsasaka na nagpapaka-hirap sa pagtatanim, pag-aani at pagpapadala ng kanilang mga produkto sa mga pamilihan.
“Halagang P20.193 million. Ito ang nasabat na agricultural products na muntik ng makalabas ng Port ng Subic at maibenta sa ating mga local markets. Higit sa halagang ito ang muntik nang maging estimated loss ng ating mga farmers na nagpapakahirap sa pagtatanim at pag-aani,” sabi ni Yap.
Inihayag din ni Yap na kamakailan lamang, nasabat din ng BOC-Port of Subic sa pamamagitan ng pakikipag-coordinate nila sa Department of Agriculture (DA) ang isang shipment na tinangkang ipasok ng Veneta Goods Trading na idineklarang “assorted foodstuff” subalit sa katotohanan ay naglalaman pala ng napakaraming frozen carrots.