Momo

Kongreso hinihikayat ang DPWH na muling buhayin dati nilang proyekto sa pagpapatibay ng mga tulay

Mar Rodriguez Dec 14, 2022
184 Views

HINIHIKAYAT ngayon ng Kamara de Representantes ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na muli nitong buhayin ang dati nilang programa at proyekto sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga “modular bridges” na matatagpuan sa mga estratehitikong lugar.

Ito ang nakapaloob sa House Resolution No. 557 na isinulong ni Surigao del Sur. 1st Dist. Cong. Romeo S. Momo, Chairman ng House Committee on Public Works and Highways, upang hikayatin ang DPWH na muli nitong buhayin ang dating programa ng ahensiya.

Ipinaliwanag ni Momo na dating nagkaroon ng programa ang DPWH sa pamamagitan ng pagre-retrofit o pagpapatibay ng mga modular bridges na gawa sa bakal sa mga estratehitikong lugar o mga lalawigan na malimit salantain ng malalakas na bagyo.

Sinabi ni Momo na ang pagpapatibay o retrofitting ng mga steel bridges ay bilang paghahanda sa anumang sakuna o malakas na bagyo. Sapagkat sa mga ganitong pangyayari, ang kadalasan na naaapektuhan ay ang mga tulay at mga kalsada ng iba’t-ibang lalawigan.

Dahil dito, binigyang diin pa ng kongresista na ang lubhang naaapektuhan sa pananalanta ng bagyo sa aspeto ng kabuhayan, negosyo at eknomiya dahil sa pagkasira ng mga tulay ay kalsada ay ang mismong mga residente at mamamayan ng isang probinsiya.

Bunsod nito, nakikita ni Momo ang kahalagahan ng pagre-retrofit at pagpapatibay ng mga steel bridges upang maiwasan ang malaking sakuna na maaaring idulot ng isang malakas na bagyo.

Tiniyak din ng mambabatas na nakahanda ang kaniyang Komite na suportahan ang programa ng DPWH upang hindi masyadong maapektuhan ang kabuhayan, negosyo at ekonomiya ng isang probinsiyang sinalanta ng isang malakas na bagyo at sa panahon ng kalamidad.