BBM

Mahigit 350 Kadiwa store bukas na

217 Views

MAHIGIT na 350 Kadiwa store na ang binuksan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Noong Sabado, Disyembre 17 ay pinangunahan ng Pangulo ang pagbubukas ng Kadiwa ng Pasko caravan sa Valenzuela City.

Bagamat ang Kadiwa ng Pasko project ay inilungsad para sa kapaskuhan, sinabi ni Marcos na plano ng gobyerno na ipagpatuloy ang operasyon ng mga ito hanggang sa bumaba ang presyo ng mga bilihin.

“Ang Kadiwa sa Pasko ay ang aming munting pagtulong para naman maging mas masaya ang ating Pasko itong taon na ito,” sabi ng Pangulo.

“Kaya’t mabuti ito, itong Kadiwa, hindi lamang nabibigyan ng pagkakataon ang taong-bayan na makabili ng mga kailangan na bilihin sa mas mababang presyo, ngunit nabibigyan din natin ng pagkakataon ang mga local producer ng mga maliliit na produkto na mayroon silang merkado, mayroon silang palengke,” pagpapatuloy ng Pangulo.

Ang Kadiwa ng Pasko program ay inilungsad para magkaroon ng mabebentahan ng kanilang mga produkto ang mga magsasaka at mangingisda at makabili sa mas mababang presyo ang mga mamimili.

Mayroon ding mga maliliit na negosyante na sumali sa pagtitinda sa Kadiwa ng Pasko.

“Kaya po ay maraming salamat sa lahat ng nakilahok. Maraming salamat sa lahat ng nagtrabaho para magkaroon tayo ng Kadiwa na ganito. Hindi lamang dito sa Valenzuela kung hindi sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Kaya’t nakakatuwa po na makita ang inyong mga ngiti at maibati ko kayong lahat ng Maligayong Pasko at Manigong Bagong Taon,” ani Marcos.

Sinamahan ni Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual ang Pangulo sa paglulungsad ng Kadiwa ng Pasko sa Valenzuela City.