Chiong

Kahandaan ng airline ground handlers pinatitiyak

Jun I Legaspi Dec 20, 2022
199 Views

MATAPOS maitala ang rekord na 1.6 milyong pasahero mula Disyembre 1 hanggang 15, pinaalalahanan ni Manila International Airport (MIAA) General Manager Cesar Chiong ang mga airline operator at ground handler na siguruhin na mayroon silang sapat na tauhan para sa inaasahang pagdagsa ng pasahero ilang araw bago mag-Pasko.

“So we can be assured that they have the numbers, I have directed our head of operations to make the airlines submit their manpower schedules and deployment vis-a-vis their number of flights in a day, making sure that there are enough ground staff especially check in agents, loaders and ramp agents,” sabi ni Chiong.

Inatasan din ni Chiong ang operations at engineering team ng MIAA na tiyakin na magagamit ang mga pasilidad sa paliparan.

Ipinag-utos din ni Chiong ang pagsusuri sa baggage handling system ng NAIA Terminal 3 matapos umano itong magka-aberya noong umaga ng Sabado, Disyembre 17.

Bagamat mayroong mga nakahandang contingency measure, sinabi ni Chiong na ang target dapat ay “no system failure”.

Inabisuhan din ang mga airline operator na maglatag ng contingency plan sakaling magkaroon ng problema sa kanilang sistema.

Nagpahayag din ng pagkabahala si Chiong sa ulat na mayroong mga pasahero na hindi nakasama sa eruplano ang kanilang bagahe pa-Maynila. Alinsunod sa Air Passenger Bill of Rights (APBR) dapat ay mabayaran umano ang mga pasahero na nakaranas nito.