PBBM

PBBM tutulak sa China sa Enero

272 Views

TULOY ang biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa China sa susunod na buwan.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Nathaniel Imperial ang state visit ni Marcos ay mual Enero 3 hanggang 5. Ang pagbisita ni Marcos ay batay sa imbitasyon ni Chinese President Xi Jinping.

Dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa China, sinabi ni Imperial na mayroong bubble arrangement na inihanda para sa delegasyon ni Marcos.

“Ang ating ugnayang panlabas sa China ay napakaimportante and we have received assurances from our Chinese host that all arrangements are being made to ensure the safety of the President and the delegation during the visit,” sabi ni Imperial.

Ayon kay Imperial ito ang unang bilateral visit ng Pangulo sa isang non-ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) mula ng maupo sa Malacañang noong Hulyo.

“There is an expectation that the state visit will set the tone of bilateral relations between the two countries in the next five to six years,” dagdag pa ni Imperial.

Ito naman ang ikalawang face-to-face meeting nina Marcos at Xi.

Makakasama ng Pangulo sa biyahe sina First Lady Louise Araneta-Marcos, dating Pangulo at incumbent Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, House Speaker Martin Romualdez, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Finance Secretary Benjamin Diokno, Trade Secretary Alfredo Pascual, Tourism Secretary Christina Frasco, Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy at iba pang miyembro ng Gabinete.