Calendar
Magandang hinaharap ng PH asahan— Diokno
KUMPIYANSA si Finance Secretary Benjamin Diokno na magiging maganda ang hinaharap ng Pilipinas sa kabila ng inaasahang mild recession na mararanasan sa mundo matapos ang pandemya, Ukraine-Russian crisis, at pagbagal ng ekonomiya ng China.
Kung pagbabatayan umano ang mga nangyari sa bansa ngayong 2022, maganda ang tinakbo ng Pilipinas. Naging mapayapa umano ang 2022 presidential elections at malinaw ang mandato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng 31 milyong boto o 56.7 porsyento ng mga boto.
Ang botong nakuha umano ni Marcos ay magiging mahalaga sa pagpapatupad ng mga game-changing reform na kailangan ng bansa.
Ayon kay Diokno inaasahan na maaabot ang 6.5 hanggang 7.5 porsyentong paglago ng gross domestic product (GDP) ngayong taon sa pangunguna ng manufacturing at construction sector na sasabayan ng paglaki ng export sector.
Ang employment rate umano ng Pilipinas ay lumagpas na sa lebel bago tumama ang pandemya at nakalikha ng 4.6 milyong bagong mapapasukang trabaho.
Ang pagdami umano ng mapapasukang trabaho lalo na sa manufacturing sector ay senyales ng pagpapalawak ng operasyon ng mga ito at inaasahang pagdami ng kanilang planong gawing produkto.
Ang unemployment rate ay bumaba umano sa 4.5 porsyento mula sa 5.3 porsyento noong bago ang pandemya.
Bumaba rin ang underemployment rate noong Oktobre 2022 sa 14.2 porsyento mas mababa sa 14.8 porsyento na naitala noong Enero 2020.
Mas maraming Pilipino na edad 15-taong gulang pataas ang pumasok an sa labor force. Ang labor force participation rate (LFPR) noong Oktobre 2022 ay 64.2 porsyento, mas mataas sa 61.7 porsyento noong Enero 2020.
Inaasahan naman na simula sa susunod na taon ay unti-unti ng huhupa ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa. Inaasahan na ang inflation rate ay nasa 2.0 hanggang 4.0 porsyento na lamang pagsapit ng 2024.
Batay sa pagtataya ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang ekonomiya ng bansa ay lalago ng 6.0 hanggang 7.0 porsyento sa 2023. Ang average nito na 6.5 porsyento ay hindi umano maitatanggi na isa sa pinakamabilis kung hindi man ang pinakamabilis kumpara sa ibang miyembro ng ASEAN+6.
Malaki umano ang maitutulong ng napapanahong pagpasa ng 2023 national budget, na nangangahulugan na masisimulan sa unang araw ng bagong taon ang mga programa at proyekto ng gobyerno na susi sa pagpapalago ng ekonomiya.
Mahalaga umano na maumpisahan kaagad ang mga proyekto bago pumasok ang tag-ulan. Nasa one-fifth bf P5.268 trilyong budget ng bansa sa 2023 ay mapupunta sa pagpapatayo ng mga kinakailangang imprastraktura.
Malinaw din umano ang direksyong sinusundan ng gobyerno dahil pinagtibay ng Kongreso ang Medium-Term Fiscal Framework, (MTFF) FY 2023-2028 ng Marcos administration. Ngayon lamang nagkaroon ng MTFF na inilatag ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Makatutulong din umano ng malaki ang pag-apruba sa Philippine Development Plan 2023-2028 (PDP) o ang plano para sa economic at social transformation ng bansa, gayundin ang magandang international credit standing ng Pilipinas.
Nakasuporta rin umano sa paglago ng ekonomiya ang matatag na banking system at ang magandang lebel ng gross international reserves na nasa US$95.1 bilyon noong Nobyembre 2022.
Patuloy din umano ang paglalatag ng mga polisiya upang mas maraming pumasok na foreign investment at ang pagpapa-unlad ng mga batang manggagawa na bukod sa tech-savvy ay marunong magsalita ng English.
Makakamit din umano ang pag-unlad ng bansa sa pagpapatuloy at pagpapalawig ng Build, Build, Build Program sa tulong ng pribadong sektor.
“As long as the country stays united and its political leaders and policy makers remain focused on economic growth, the Philippines’ future remains bright. The trajectory of its growth will make the country one of the leading economies in the Asia-Pacific region,” giit ni Diokno.