Cong. Martin G Romualdez

Speaker Romualdez ikinagalak pagiging bukas ng Senado sa Maharlika

Mar Rodriguez Jan 2, 2023
173 Views

IKINAGALAK ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang pagiging bukas o “openness” ng Senado patungkol sa mga panukalang batas na kakapasa pa lamang ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na lumilikha sa Maharlika Investment Fund (IMF).

Ipinahayag ni Speaker Romualdez na malaki ang paniniwala nito na nauunawaan ng mga senador ang “visión” at paninindigan ng mga kongresista kaugnay sa IMF na ang pangunahing layunin ay matamo ang “economic growth” ng bansa upang magkaroon ng maraming trabaho para sa mga Pilipino at “income opportunities”.

Sinabi pa ni Romualdez na ang pagkakapasa ng Kamara de Representantes sa IMF at sa suporta na rin ng Senado at Executive branch, ang IMF aniya ang magbibigay daan upang magkaroon ng maraming investments na siyang magpapa-unlad sa ekonomiya ng bansa.

Ang naging pahayag ng House Speaker ay reaksiyon nito sa naging pahayag naman nina Senate President Juan Miguel “Migs” Zubiri at Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang House Bill No. 6608 na lumilikha sa IMF ang isa sa mga panukalang batas na tatalakayin at ta-trabahuhin ng Senado sa pagpapatuloy ng session nito sa susunod na taon.

Naninindigan naman si Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na malaking benepisyo ang maibibigay ng Maharlika Investment Fund para sa mga mahihirap na probinsiya tulad ng kaniyang lalawigan.

Sinabi ni Madrona na kailangang makita ng publiko ang magandang aspeto ng IMF sapagkat napakalaki ng maibibigay nitong tulong para sa mga lalawigan na matagal ng nag-aasam ng pagbabago at development tulad ng Romblon dahil sa kakapusan ng pondo.

“Napakalaki ng benepisyong maibibigay ng Maharlika Investment Fund. Dahil lalo na kaming mga pulubing probinsiya kami ang makaka-benefit nito. Kasi alam niyo naman kapag pulubi ang isang probinsiya, hindi nabibigyan ng halaga ng mga investments,” paliwanag ni Madrona.

Ayon pa sa mambabatas, kung mauunawaan lamang ng mamamayan ang totoong layunin ng IMF. Dito umano nila maiintindihan na malaking benepisyo ang maibibigay nito para sa mga lalawigan na napapag-iwanan ng pag-unlad.