Martin Romualdez

Speaker Romualdez: Tulungan ng Kamara, Senado, Ehekutibo kailangan upang dumami pamumuhunan sa bansa

111 Views

BINIGYAN-DIIN ni Speaker Martin G. Romualdez ang kahalagahan ng pagtutulungan ng Kamara de Representantes, Senado, at Ehekutibo upang maparami ang pamumuhuan sa bansa.

Kasabay nito ay pinuri ni Speaker Romualdez ang Senado sa pagiging bukas nito sa panukalang paglikha ng Maharlika Investment Fund (MIF), na inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa bago ang Christmas break.

“I have no doubt that our senators share our vision and purpose in advocating this fund, which aims to sustain our economic growth so we could generate more job and income opportunities for our people,” sabi ni Speaker Romualdez.

Nauna ng rito ay sinabi nina Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri at Senate Majority Leader Joel Villanueva na kasama ang Maharlika Investment Fund bill sa mga tatalakayin ng Senado sa muling pagbubukas ng sesyon sa Enero.

Tatalakayin din umano ng Senado ang panukala na patawarin ang utang na hindi pa nababayaran ng mga magsasaka na nagkaroon ng lupa sa pamamagitan ng agrarian reform program.

Nauna ng inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya ang nagpalutang ng ideya na magkaroon ng sovereign wealth fund.

“It’s very clear that we need added investments. This is another way to get that…For sure, I would not have brought it up otherwise,” sabi ng Pangulo sa panayam sa kanya sa Belgium kamakailan.

Tiniyak ni Speaker Romualdez na ang HB No. 6608 ay mayroong sapat na safeguard laban sa katiwalian at maling panggamit.

Sa survey ng data research firm Tangere mula Disyembre 8 hanggang 10, nagpahayag ng suporta ang 8 sa bawat 10 Pilipino sa panukalang MIF.