Calendar
PH, China lumagda sa 14 bilateral agreement
SA pagpunta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa China ay nalagdaan ng Pilipinas at China ang 14 na bilateral agreement.
Pinirmahan din ng Department of Agriculture (DA) at Ministry of Agriculture and Rural Affairs ng China ang joint action plan 2023-2025 para sa agricultural at fisheries cooperation gayundin ang memorandum of understanding (MOU) para sa Belt and Road Initiative (BRI).
Ang BRI ay inilungsad ni Chinese President Xi Jinping noong 2013 para sa paglalagak ng puhunan ng China sa halos 150 bansa at international organization upang mapaganda ang kalakalan sa pagitan ng Asya, Europa, at Africa.
Nilagdaan din ang MOU para sa digital and information and communications technology (ICT) cooperation sa pagitan ng Ministry of Industry and Information Technology ng China at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Pinirmahan din ng dalawang bansa ang protocol ng phytosanitary requirement para sa importasyon ng durian mula sa Pilipinas.
Sinelyohan din ang handover certificate pata sa dalawang tulay na donasyon ng China—ang Binondo-Intramuros bridge at ang Estrella-Pantaleon bridge.
Nagkasundo rin ang dalawang bansa sa gagamiting framework agreement para sa pag-utang ng Pilipinas sa China ng gugugulin sa mga prayoridad na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).