Dy

Kaso vs PNP execs na sangkot sa illegal na droga iminungkahi

Mar Rodriguez Jan 6, 2023
235 Views

IMINUMUNGKAHI ngayon ng isang Northern Luzon congressman ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sangkot at nagsisilbing protektor ng malalaki o big time na sindikato ng illegal na droga.

Binigyang diin ni Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na sinasang-ayunan nito ang panawagan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos kaugnay sa pagbibitiw ng mga mataas na PNP officials. Subalit iginiit nito na kailangan din “masampolan” ang mga pulis na nagsisilbing “padrino” ng mga drug syndicate.

Ayon kay Dy, kailangang maipakita ng pamahalaan ang kamay na bakal nito laban sa illegal na droga sa pamamagitan ng isang karkuladong hakbang o ang tinatawag na “calibrated approach” kaugnay sa pagsasampa ng kaso laban sa mga PNP officials na hinihinalang sangkot at nagbibgay ng protection sa talamak na “illegal drug trade”.

Ipinaliwanag ni Dy na kung talagang nais ng DILG at PNP leadership na malinis ang hanay ng kapulisan. Kinakailangan nilang ipakita sa mamamayan at maging sa hanay ng PNP na seryoso sila sa paglalansag sa illegal na droga kabilang na ang pasupil sa mga pulis na sangkot dito.

Sinabi ng mambabatas na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng PNP na sangkot sa illegal drug trade ay isang indikasyon o pagpapakita na talagang seryoso ang gobyerno na puksain ang “salot na illegal na droga” na sumisira sa imahe ng mga kapulisan.

Nauna rito, ipinahayag ni Palawan 3rd Dist. Cong. Edward S. Hagedorn na dapat lalo pang pagtibayin ang mga umiiral na batas patungkol sa pagpapataw ng parusa laban sa mga “men in uniform” na nakikipagsabwatan sa mga criminal elements.

Ipinaliwanag ni Hagedorn na mahalagang maipakita ng pamahalaan ang kamay na bakal at pangil nito laban sa sinomang miyembro ng PNP na nagkakanlong at nagsisilbing protektor ng illegal na droga.

Sinabi ng kongresista, maaaring iilan lamang ang mga pulis na sinasabing sangkot sa illegal na droga subalit napaka-importante parin ang naging panawagan ni Abalos upang tuluyang malinis ang hanay ng PNP laban sa impluwensiya ng sindikato ng illegal drugs.