Calendar
Lifestyle check sa hanay ng kapulisan iminungkahi
IMINUMUNGKAHI ngayon ng isang Mindanao congressman kay Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos at sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na kailangan magsagawa sila ng “lifestyle check” sa hanay ng mga kapulisan para malaman at matukoy kung sino-sino ang posibleng sangkot sa talamak na “illegal drug trade” at iba pang uri ng “illegal activities”.
Binigyang diin ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace S. Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na malalaman sa pamamagitan ng “lifestyle check” kung sino sa mga miyembro ng PNP ang namumuhay ng marangya o mayroong magarbong pamumuhay na taliwas naman sa kanilang sinasahod.
Ang naging mungkahi ni Barbers ay alinsunod parin sa naging panawagan ni Sec. Abalos para sa lahat ng PNP officials na maghain ng kanilang “courtesy resignation” para linisin ang hanay ng PNP laban sa mga pasaway na pulis na sumisira sa imahe ng kapulisan.
Ipinaliwanag ni Barbers na sa pamamagitan ng “lifestyle check” malalaman at matutukoy kung tumutugma ba ang “assets” o yaman ng isang partikular na pulis sa idineklara niya sa kaniyang Statement of Assets and Liabilities Networth (SALN) alinsunod sa ipinatutupad na patakaran para sa lahat ng naglilingkod sa gobyerno.
Sinabi ni Barbers na sakaling hindi tumugma o mag-match sa SALN ng isang pulis ang kaniyang mga “assets”. Dito aniya maaaring simulan ng DILG at PNP leadership ang isang masusing imbestigasyon laban sa nasabing pulis kung saan nanggagaling ang yaman nito na higit pa sa kaniyang nakukuhang suweldo.
Iginiit ng kongresista na sakaling mapatunayan na nasasangkot sa illegal activities o katiwalian sa pamamagitan ng illegal drug trade ang isang pulis. Kailangan aniyang sampahan agad ng kaukulang kaso ang nasabing pulis upang magsilbing babala at ehemplo laban sa iba pang “pasaway” na miyembro ng PNP.
“Oo sangayon ako na isailalim sa life style check ang mga kapulisan para malaman kung saan nanggagaling ang kanilang yaman at kapag hindi nag match sa kanilang SALN ang kanilang yaman dapat ay imbestigahan sila at kasuhan agad sila,” diin ni Barbers.
Nauna rito, sang-ayon si Barbers sa naging panawagan ni DILG Sec. Abalos na maghain ng “courtesy resignation” ang lahat ng mataas na opisyal ng PNP bilang paglilinis sa hanay ng kapulisan laban sa impluwensiya ng malalaking drug syndicate.