Madrona

Cash bonus na alok ng GRAB Philippines sa mga bagong GRAB drivers ikinagalak

Mar Rodriguez Jan 11, 2023
187 Views

IKINAGALAK ngayon ng isang beteranong kongresista ang naging pahayag ng GRAB Philippines kaugnay sa pag-aalok nito ng P6,000 hanggang P10,000 cash bonus para sa mga bagong papasok na driver partners.

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na malaking tulong para sa mga Pilipino drivers ang inaalok na insentibo ng GRAB Philippines bunsod ng napaka-laking epekto na idinulot ng COVID-19 pandemic sa mamamayan.

Idinagdag pa ni Madrona na bukod sa malaking tulong na maibibigay nito sa mga Pinoy drivers. Makakatulong din ang GRAB Philippines sa unti-unting pag-unlad ng Philippine Tourism dahil mayroong transportasyon na masasakyan aniya ang mga lokal at dayuhang turista na bumibisita sa iba’t-ibang tourist destination sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Madrona na masyado ng talamak ang pang-aabuso at pananamantala ng ilang “taxi drivers” na sobra-sobra kung maningil ng pamasahe sa mga bumibisitang dayuhan. Kung kaya’t ang GRAB na lamang ang maaaring asahan ng mga dayuhan bilang kanilang “mode of transportation”.

Binigyang diin ng mambabatas na may ilang abusadong “taxi drivers” na ang tingin sa mga dayuhang turista ay mistulang “baul ng ginto” kaya naman hindi aniya nakakapag-taka kung bakit sobra-sobra ang paniningil nila ng pasahe na kadalasan ay umaabot pa hanggang P10,000.

Nauna rito, ipinahayag ng GRAB Philippines na nag-aalok sila ng cash bonus na P6,000-P10,000 para sa mga bagong drivers upang mapunan ang 4,433 TNVS (transport network vehicle service) slots na bubuksan ng gobyerno para matugunan ang kakulangan sa transportasyon.

Aminado ang Grab na kinulang ito ng mga driver-partners dahil na rin sa tinatawag nitong “mobility standstill” o isang sitwasyon na walang aktibidad, kaganapan o mobilidad.

Binigyang-diin ng Grab Philippines na nang dahil sa pandemya ay may mga driver-partners ito na nahatakan ng kanilang mga hinuhulugang kotse o hindi kaya’y nag-iba na lang ng kanilang pagkakakitaan o hanapbuhay.

Umaasa naman ang nasabing ride-hailing company na ang alok nitong cash bonus ay makakahikayat ng mga bagong driver-partners na siguradong makatutulong upang mapagserbisyuhan ang lumalaking bilang ng mga pasahero ngayong tuloy-tuloy nang binubuksan ang ekonomiya mula sa mga COVID-19 lockdowns.

“We are fully committed to providing a much better ride-hailing experience to our passengers as we welcome more driver-partners onto the platform,” ayon kay Ronald Roda, senior director for strategy and operations ng Grab Philippines.