BBM2

Lugar na paglilipatan sa mga binaha sa MisOcc pinahahanap ni PBBM

125 Views

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Housing Authority (NHA) na maghanap ng resettlement area kung saan maaaring ilipat ang mga residente ng Misamis Occidental na nasira ang mga bahay dahil sa baha.

“Nag-coordinate na kami sa National Housing Authority. ‘Yung mga bahay na totally destroyed, hahanapan natin ng resettlement area para magkaroon ng tirahan,” ani Pangulong Marcos.

Pumunta ang Pangulo sa The Working Congressman Sports Complex sa munisipyo ng Tudela noong Enero 11 upang maghatid ng tulong sa mga nasalanta ng baha.

“So ‘yan ang ating mga gagawin… sa darating na ilang linggo kaya’t asahan ho ninyo, kung mayroon kayong pangangailangan, nandito po si governor, nandito po si congressman, nandito po ang ating mga ahensya,” sabi ng Pangulo.

Kapag nahanap na ang lugar, sinabi ni Marcos na magpapadala ang gobyerno ng mga materyales upang maitayo ang mga bahay.

Sinabi ng Pangulo na dapat ding ayusin ang flood-control structure sa lugar.

“Kaya naman titingnan natin ang lahat para gumawa tayo ng solusyon. Patuloy tayong maghuhukay sa mga ilog para gawing malalim, para hindi mabilis na – mabilis na lumabas ang tubig sa ilog at patuloy natin patitibayin ang mga flood control natin,” sabi pa nito. “Ngunit, sa long-term kailangan nating isipin kung papaano natin gagawin para hindi na talaga maulit. Wala na tayong risk na ganito ang mangyari.”

Nangako naman ang Pangulo na magpapadala ng tulong sa mga nasalanta

“Nandiyan ang DSWD (Department of Social Welfare and Development), nandiyan po lahat ng ating ahensya na maaari ninyong lapitan nang makasiguro kami na lahat ng mga pangangailangan ninyo ay nabibigay,” dagdag pa ng Pangulo.

Kasama ng Pangulo sa pagbisita sa lugar sina Department of National Defense (DND) Secretary Carlito Galvez Jr., Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan, at Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr.