Madrona

P17.7B ilalaan para sa alokasyon ng TRIP project ng gobyerno

Mar Rodriguez Jan 17, 2023
261 Views

INIHAYAG ngayon ng House Committee on Tourism na ilalaan ng Kongreso ang P17.7 billion mula sa 2023 national budget para tustusan ang proyekto ng pamahalaan na tinatawag na Tourism Road Infrastructure Program (TRIP) na nakatakdang ikasa ngayong taon.

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na ang P17.7 billion na manggagaling sa 2023 General Appropriations Act (GAA) ay gagastusin para sa alokasyon ng TRIP project.

Ipinaliwanag ni Madrona na ang TRIP Project na isasagawa ng pamahalaan ay sa pamamagitan ng pagsasa-ayos o upgrading ng mga kalsada na tumatahak sa isang “tourist destination” upang maging “accessible” ang nasabing lugar para sa mga bibisitang turista.

Binigyang diin ni Madrona na ang TRIP project ng gobyerno ngayong taon ay isang napaka-gandang senyales na unti-unti ng nakaka-recover ang tourism sector mula sa COVID-19 pandemic na nagpatumal naman sa pagdating ng maraming dayuhan at lokal na turista.

Idinagdag pa ng kongresista na napaka-halaga ang paglalaan ng alokasyon para tustusan ang gastusin sa pagsasa-ayos ng mga kalsada na magsisilbing “access road” patungo sa isang tourist destination dahil kasabay nito ang pagsilga ng negosyo at kabuhayan sa nasabing lugar.

Kasabay nito, ikinagalak din ni Palawan 3rd Dist. Cong. Edward S. Hagedorn ang ikakasang TRIP project ng gobyerno sapagkat maaaring makasama sa mga isasa-ayos na kalsada ang Salvacion Sabang Road na tumatahak patungong Underground River.

Nauna rito, hinihiling ni Hagedorn sa House Committee on Public Works and Highways ang pagsasa-ayos ng nasabing kalsada na tumatahak sa Underground River sa Puerto Princesa dahil sa malaking benepisyong naibibigay nito sa kanilang lalawigan.

Ipinaliwanag ni Hagedorn na malaking tulong ang pagsasa-ayos o konstruksiyon ng Salvacion Sabang Road hindi lamang para sa mga lokal na residente. Bagkos pati narin sa mga lokal at dayuhang turista na bumibista sa Underground River.