Calendar
DepEd pagtutuunan ng pansin benepisyo ng guro
SA termino ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte ay pagtutuunan umano ng Department of Education (DepEd) ang benepisyo ng mga guro, pag-unlad ng mga mag-aaral, at ang pagsasaayos ng mga nasirang imprastraktura sa mga paaralan.
Sinabi ito ni Duterte sa Aklan’s Ten Outstanding Mentors (ATOM) Awarding Ceremonies na ginanap sa Augusto B. Legaspi Memorial Sports and Cultural Complex sa Kalibo, Aklan.
“Tututukan natin ang mga teachers, learners, at ang ating school infrastructures,” ani Duterte.
Ayon kay Duterte ang DepEd at Government Service Insurance System (GSIS) ay nagsasagawa ng buwanang updating ng mga benepisyo na nakukuha ng mga teaching at non-teaching staff ng ahensya.
Sinabi ni Duterte na nakikipag-usap din ang DepEd sa Department of Health (DOH) para mabigyan ng libreng health check up ang mga kawani nito.
“Pangalawa, ay ang pakikipag-usap namin sa Department of Health in which they are very welcoming and truly receptive about, is ang pagtanggal ng gastos ng check up ng mga teachers sa kanilang P5,000 na allowance,” sabi ni Duterte. “Pinapakiusapan po namin at patuloy ang pakikipag dialogo namin sa Department of Health na gawing libre ang check up ng teachers.”
Ayon kay Duterte nakikipag-ugnayan din ang DepEd sa Office of the President upang madagdagan ang mga benepisyo ng mga empleyado ng ahensya.
Nagsasagawa rin umano ng pag-aaral ang DepEd sa kurikulum ng K to 10 at Grades 11 at 12 para masiguro na maaari ng makapasok ng trabaho ang mga senior high school graduates.
“Lagi po nating sinasabi na ang mandatory lang po ay ang basic education. ‘Yung mga learners na nasa atin sa Department of Education, dapat pag-graduate nila, kapag hindi na sila tumuloy sa higher education, ay pwede na silang magtrabaho,” sabi pa ng kalihim.
Kinilala rin ni Duterte ang kahalagahan ng mga Aklan’s Ten Outstanding Mentors (ATOM) awardee sa kanilang pamayanan at sa mga mag-aaral.
“It is truly an honor to see this year’s Aklan Ten Outstanding Mentors (ATOM), who serve as exemplary role models for both the Aklan community and the whole country,” dagdag pa ni Duterte.
“Our dear teachers and mentors, you hold the key to our children’s future, and I honor each and every one of you for your zeal, commitment, and contributions to your community even beyond the call of duty. Congratulations for choosing the noble profession of being a teacher, being a mentor,” wika pa nito.
Nagbigay ang Bise Presidente ng P20,000 sa bawat awardee.