Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Speaker Romualdez paiimbestigahan hoarding ng sibuyas, bawang

Mar Rodriguez Feb 5, 2023
194 Views

PAIIMBESTIGAHAN ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga ulat na sinasadya ng mga tusong negosyante ng sibuyas at bawang na itago ang mga stock nila ng mga naturang pampalasa upang mapataas ang presyo ng mga ito sa merkado.

Kasabay nito, tiniyak ni Romualdez nitong Linggo na sasampahan nila ng kaso ang lahat ng negosyanteng mapapatunayang nagho-hoard ng mga naturang produkto upang manipulahin ang presyo nito sa merkado.

“Bilang na ang mga araw ninyo,” babala pa ng House Speaker sa mga mapanamantalang negosyante ng sibuyas at bawang.

“May mga impormasyon kami na tinatago nila ang mga sibuyas, at ngayon pati mga bawang na rin para kapusin ang suplay at tumaas ang presyo ng mga ito,” ayon kay Speaker Romualdez.

Pinuna ni Romualdez na sa kabila ng kasalukuyang pag-aani ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas at ang pagpasok ng import ay nananatili pa ring mataas ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihang bayan.

Malinaw umano na may nagmamnipula sa presyo ng mga naturang bilihin, ayon kay Romualdez.

“This is economic sabotage,” ani Speaker.

Dagdag pa ni Romualdez, “pag-aaralan natin kung dapat na irekomenda sa Pangulo na patuloy tayong mag-import ng sibuyas at bawang ang bansa para mapilitan na itong mga tusong negosyante na ilabas ang mga stock nila at mapababa natin ang presyo para maibsan ang pasanin ng ating ma mamimili”.

Subalit iginiit ni Romualdez na kung gagawin ang naturang importasyon ay marapat lamang tiyaking hindi masasaktan ang mga lokal na magsasaka ng sibuyas at bawang.

“Mahalagang siguruhin na anumang importasyon na gagawin ay sapat lamang ang dami at sa panahong walang ani ang ating mga lokal na magsasaka ng sibuyas at bawang para naman hindi maapektuhan ang kanilang kabuhayan,” ani Romualdez.

Plano din ni Romualdez na pabantayan ang presyo ng uri ng mga gulay na ito araw-araw.

“People are still trying to recover from pandemic. Hindi natin kailangan itong mga ganitong sinasadyang pagtaas ng mga presyo ng pagkain”, ayon sa mambabatas mula sa Leyte.

Samantala, sinabi rin ni Romualdez na dapat ding mapigilan ang smuggling ng sibuyas at iba pang katulad na produktong agrikutural sa bansa na pumapatay sa lokal na industriya.