Romero1

Kamara inaprubahan panukala na magbibigay ng proteksyon sa entertainment industry workers

177 Views

UPANG hindi maabuso at maloko ang mga manggagawa sa entertainment industry, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang Eddie Garcia Act.

Walang tumutol sa pagpasa ng House Bill 1270 na nakatanggap ng 240 pabor na boto.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez layunin ng panukala na maproteksyunan ang mga manggagawa sa entertainment sector laban sa pang-aabuso, harassment, pagsasamantala at panganib sa lugar na pinagtatrabahuhan.

Ang panukala ay isinunod sa pangalan ng aktor na si Eddie Garcia na pumanaw matapos maaksidente habang nasa shooting ng isang teleserye noong 2019.

“Manong Eddie was a hugely popular actor well-loved by many Filipinos. It was unfortunate that he died in such circumstances. But the accident served as a wake-up call for the industry and for us policymakers in Congress,” sabi ni Speaker Romualdez.

Ang HB 1270 ay ang pinag-isang bersyon ng anim na panukala kabilang ang akda ni 1-Pacman party-list Rep. Mikee Romero na stepson ni Garcia.

Ayon kay Romero ang nangyari sa kanyang stepfather ay isang pagmumulat sa pangangailangan na tiyaking ligtas ang mga lugar na pinagtatrabahuhan ng mga entertainment industry worker gaya ng mga self-employed na aktor, aktres, at performer.

Sa ilalim ng panukala, ang isang manggagawa o contractor ay dapat mayroong employment contract kung saan nakalagay ang kanyang magiging trabaho, oras ng trabaho, at kikitain mula rito.

Ang normal na oras ng trabaho ay walong oras gaya sa ibang sektor. Maaari itong palawigin ng hanggang 12 oras pero dapat ay bayaran ng overtime ang sosobra sa walong oras na pagtatrabaho kasama rito ang waiting time.

Hindi maaaring lumagpas ng 60 oras ang pasok ng isang empleyado sa loob ng isang linggo.

Kung mayroong minor de edad na kukunin dapat ay sumunod ito sa nakasaad sa Republic Act No. 9231 o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Kasama rin sa bibilangin sa ipinasok na oras ang biyahe papunta sa mga out-of-town project.

Ang mga empleyado ay dapat ding saklaw ng Social Security System, Home Development Mutual Fund at PhilHealth insurance. Gaya sa ibang sektor, ang premium ay paghahatian ng employer at empleyado.

Nakasaad din sa panukala ang pagtiyak na nasusunod ang occupational safety and health standards upang maiwasan ang hindi inaasahang pangyayari.

Kung sakaling magkaroon ng hindi pagkakasundo ang employer at ang empleyado, ito ay pag-uusapan sa regional office ng Department of Labor and Employment (DoLE) na nakasasakop sa lugar na pinagtatrabahuhan.

Inaatasan din ng panukala ang DoLE na pangunahan ang pagbuo ng Film, Television and Radio Entertainment Industry Tripartite Council na siyang gagawa ng mga polisiya upang mas bumuti ang katayuan ng mga manggagawa sa entertainment industry.