Calendar
Sen. Robinhood gumawa ng hakbang para sa pagbabago ng 1987 konstitusyon partikular sa economic provision
GINAWA ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang unang hakbang para baguhin ang economic provisions ng Saligang Batas para matugunan nito ang mga pangangailangan ng kasalukuyang panahon.
Sa Resolution of Both Houses No. 3, iminungkahi ni Padilla na ipatupad ang mga pagbabagong ito sa pamamagitan ng constituent assembly, kung saan ang Senado at Kamara ay boboto nang hiwalay.
“To accelerate economic growth, and fulfill its international commitment, the Philippines must amend its Constitution by removing these restrictive economic provisions to allow foreign businesses to directly invest in a more conducive landscape,” ani Padilla sa resolusyon. Si Padilla ang tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
Ayon sa mambabatas, masyadong mahigpit ang mga probisyon ng Saligang Batas sa ekonomiya. Dahil dito, napag-iwanan na tayo ng ating mga karatig bansa sa Association of Southeast Asian Nations sa kabila ng mga insentibo tulad ng tax holidays.
Dagdag nito, bagama’t may mga naratipika nang international trade and investment liberalization treaties ang Pilipinas, hindi pa rin makagalaw ang foreign investors dahil sa paghihigpit ng Saligang Batas sa pag-explore at pag-develop ng natural resources; pagmamay-ari ng pribadong lupa, public utilities at educational institutions ng mga dayuhan; at pagmamay-ari ng dayuhan ng mass media at advertising.
“These economic provisions are perceived to be barriers to trade and investment responsible for the continuous decline of foreign direct investments, and placed the country as one of the most restrictive economies by international standards,” ayon sa mambabatas.
Sa ilalim ng resolusyon, tatalakayin ng Senado at Kamara – sa botong 3/4 kung saan hiwalay ang kanilang pagboto – ang mungkahing baguhin ang:
* Sections 2, 3, 7, 10 and 11 ng Article XII;
* Section 4(2) ng Article XIV; at
* Section 11 (1) at (2) ng Article XVI
Sa mga mungkahing pagbago:
* Maaaring magkaroon ng exploration, development at utilization of natural resources ang estado, o magkaroon ng co-production, joint venture o production-sharing agreements sa mga Pilipino o kumpanya na di bababa sa 60% na pagmamay-ari ng Pilipino, maliban kung may tinakdang batas;
* Hindi maaaring magmay-ari ng lupa ang pribadong kumpanya maliban sa pag-lease ng di hihigit ng 25 taon, maaaring i-renew ng di hihigit ng 25 taon, at hindi hihigit sa 1000 hectares, maliban kung may tinakdang batas;
* Maaaring payagan ng Kongreso na magmay-ari ang aliens ng lupa na di lalampas sa 1,000 square meters para lamang sa foreign direct investment, at pagmama-yari ng dayuhang kumpanya ng rural private lands na di lalampas sa 5 ektarya;
* Sa rekomendasyon ng economic and planning agency, at kung kakailanganin ng pambansang interes, maaaring payagan ng Kongreso ang ilang areas of investment sa Pilipino – o kung may tinakdang batas – sa kumpanyang hindi bababa na 60% pagmamay-ari ng Pilipino;
* Ang pag-operate ng public utility ay para lamang sa Pilipino habang Pilipino lamang ang maaaring maging executive at managing officers, maliban kung may tinakdang batas;
* Ang mga educational institutions ay sa pagmamay-ari lamang ng Pilipino habang Pilipino lamang ang maaaring mangasiwa ng nabanggit na institusyon maliban kung may tinakdang batas;
* Ang pagmamay-ari at pangangasiwa ng mass media ay limitado sa Pilipino habang ang kumpanyang di bababa sa 70% pagmamay-ari ng Pilipino ay papayagan sa advertising industry, maliban kung may tinakdang batas.
Hindi kasama sa resolusyon ang mga political provisions, kasama ang mga tungkol sa termino ng halal na opisyal.
Bagama’t gaganapin ang plebisito para sa resolusyon, mananatili ang umiiral na probisyon ng Saligang Batas hangga’t wala pang naipapasa na enabling laws para sa mga pagbabago sa probisyon.