Hagedorn

Panukalang batas na ideklara March 30 bilang special non-working holiday sa Puerto Princesa hiniling

Mar Rodriguez Feb 11, 2023
171 Views

HINIHILING ng isang kongresista ang suporta ng mga kasamahang mambabatas sa 19th Congress sa ilalim ng liderato ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez para pumasa at maisabatas ang panukalang batas nito na unang nadiskaril noong 16th Congress.

Isinulong ni Palawan 3rd Dist. Cong. Edward S. Hagedorn noong 16th Congress ang House Bill No. 4885 upang mai-deklara ang March 30 kada taon bilang “Special non-working holiday” sa City of Puerto Princesa bilang paggunita sa pagkakatanghal dito bilang “City of the Living God”.

Ipinaliwanag ni Hagedorn na ang Puerto Princesa ay idineklara ng City Government ng Palawan sa pamamagitan ng Sangguniang Panglungsod Resolution Nos. 770-2010 at 579-2012 na sinundan naman ng Executive Order No. 13 para maideklara ito bilang City of the Living God.

Sinabi ni Hagedorn na ang deklarasyon sa Puerto Princesa kaugnay sa nasabing titulo ay nagpapatunay lamang na pinagpala ang Puerto Princesa sa napakaraming likas yaman o natural resources kabilang na dito ang ipinagmamalaki nilang Puerto Princesa Underground River.

Ayon kay Hagedorn, ang nasabing titulo na ikinabit sa Puerto Princesa ay nagpapatunay din na angkop na angkop ito dahil sa napakagandang katangian na taglay ng Puerto Princesa. Kaya dapat lamang na parangalan ang naturang Siyudad kada taon.

Dahil dito, hinihingi ng kongresista ang suporta ng mga kasamahang mambabatas partikular na si Speaker Romualdez upang maging pormal ang paggunita ng March 30 kada taon bilang isang makasaysayang araw para sa Puerto Princesa sa pamamagitan ng pagpasa at pagsasabatas ng kaniyang isinulong na panukala.