Dy

Interes ng opisyal na Japanese sa MIF magandang senyales

Mar Rodriguez Feb 11, 2023
161 Views

OPTIMISTIKO ang isang Northern Luzon congressman na magandang senyales ang ipinakitang interes ng isang high-ranking Japanese official ng nangungunang “financial institution” sa Japan kaugnay sa Maharlika Investment Fund (MIF).

Naniniwala ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na napaka-gandang oportunidad para sa Pilipinas ang pagpapakita ng interés ng high-ranking Japanese official sa pamamagitan ng pag-usbong ng maraming at puhunan at negosyo.

Kasama si Dy sa delegasyon ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na nagtungo sa Japan para sa five-day working trip ng Punong Ehekutibo para tulungan itong i-promoto ang Pilipinas bilang natatanging lugar para maglagak ng negosyo at puhunan.

Ikinagalak ni Dy ang naging pahayag ni House Ferdinand Martin Gomez Romualdez na isang mataas na opisyal at negosyanteng Hapon ang nagpahiwatig ng kaniyang interes sa MIF. Kung saan, nakikita ni Dy na isa itong magandang oportunidad para sa Pilipinas.

Sinabi ni Dy na inaasahan na maraming negosyo, puhunan at infrastructure projects ang mapapasimulan sa bansa bilang resulta ng limang araw na working trip ng Pangulo sa Japan. Sapagkat maraming negosyanteng Hapon ang mahihikayat na magtayo ng negosyo sa Pilipinas.

Binigyang diin ng mambabatas na ang pagpapakita ng interes ng nasabing negosyanteng Hapon sa MIF ang susi upang matamo ng administrasyong Marcos ang inaasinta nitong “Agenda for Prosperity” na siyang layunin ng MIF sa pamamagitan ng pagsusulong ng pag-unlad sa bansa.

Nauna rito, nagpahayag ng paniniwala ang kongresista na magbibigay ng napaka-positibong epekto partikular na sa larangan ng pagne-negosyo at investments ang working trip ni Pangulong Marcos, Jr. sa nasabing bansa.

Ipinaliwanag ni Dy na pinagsisikapan ng husto ng Pangulo na makahikayat ng maraming Japanese investors na maglagak ng puhunan at negosyo sa Pilipinas na magbubukas ng magandang oportunidad para sa mga mamamayan Pilipino sa larangan ng trabaho.