Acidre

Pagsuspendi sa taas-singil ng PhilHealth ibibigay sa Pangulo

199 Views

UMUSAD na ang panukala na bigyan ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na suspendihin ang nakatakdang pagtataas ng kontribusyon ng Philippine Health Insurance Corp o PhilHealth.

Inaprubahan ng House Committee on Health ang House Bill 6772 na akda nina House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos. Rep. Yedda Marie K. Romualdez, at Rep. Jude A. Acidre matapos ang maikling talakayan.

Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Acidre na mahalaga na irekonsidera ang pagtataas ng premium rate ng PhilHealth kung ito ay hindi naaayon sa panahon at magreresulta sa lalong paghihirap ng maraming Pilipino.

“It is imperative that our social safety nets like the PhilHealth does not strain its beneficiaries into paying more than they can, lest we kill the goose that lays the golden egg, so to speak,” sabi ni Acidre.

Kinilala naman ni Acidre ang PhilHealth bilang isang “trustworthy pillar” sa pagpapatupad ng universal healthcare program.

Pinuri rin in Acidre ang pahayag ni PhilHealth President Emmanuel Ledesma na magkakaroon ng pagbabago sa mga serbisyong bigay ng ahensya upang mas makinabang dito ang publiko.