BBM1

Self-sufficiency sa bigas kayang maaabot sa loob ng 2 taon—PBBM

156 Views

KUNG magagawa ang mga kinakailangang reporma, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mararating ng Pilipinas ang self-sufficiency sa bigas sa loob ng dalawang taon.

Ito ang sinabi ni Pangulong Marcos matapos ang pakikipagpulong nito sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) na nagbigay ng briefing sa irrigation system ng bansa.

“From that discussion, we have begun to put in the timetable of what are the things that we need to do. And sa aming calculation, kung magawa natin lahat ng kailangang gawin kasi marami tayong kailangan ayusin, marami tayong ire-reorganize pero kung magawa natin lahat ‘yan, we will be close to self-sufficiency for rice in two years,” ani Pangulong Marcos.

“There’s a great deal of work to do pero nakikita na namin kung papaano gagawin. So that’s what we will work on for now,” sabi pa ni Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na kakailanganin ng kooperasyon at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya gaya ng DA, NIA, Department of Public Works and Highways (DPWH), at National Economic and Development Authority (NEDA) para magawa ito.

“So our next meeting will be that. Nandiyan na lahat ng mga concerned agencies and we will present the timetable as to what needs to be done, what forms of coordination need to be done,” dagdag pa ng Pangulo.

Isa sa nakikitang solusyon ay ang pagpaparami ng mga magsasaka na nagtatanim ng hybrid rice seeds, paggamit ng water-saving technology para sa irigasyon ng lupa, at ang ratooning o pagputol sa bahagi ng tanim sa ibabaw at hayaan ito upang muling mamunga.

Pinaplantsa na rin ng NIA ang pagpasok sa public-private partnerships (PPPs) sa pagtatayo ng mga irrigation infrastructure.