Magsino

Kampanya vs illegal recruiters, labor trafficking paigtingin — OFW Party List

Mar Rodriguez Feb 17, 2023
423 Views

IMINUNGKAHI ng Overseas Filipino Workers Party List Group kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na dapat mas lalo pang pag-ibayuhin at paigtingin ng gobyerno ang kampanya laban sa mga illegal Recruiters at Labor Trafficking.

Ang naging mungkahi ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino sa Pangulo ay kaugnay sa mga sumambulat na reklamo ng mga OFWs laban sa mga Illegal Recruiters tungkol sa isinagawang “Policy Dialogue on Illegal Recruitment and Labor Trafficking”.

Dahil dito, naninindigan si Magsino na masasawata lamang ang palasak na illegal recruitment sa pangunguna ng mga ‘fly-by-night” “recruitment agencies” kung maglulunsad ang pamahalaan ng isang malawakang “crack-down” laban sa nasabing modus-operandi.

Sa ginanap na diyalogo sa Kongreso, nananawagan din si Magsino sa mga Pilipinong nagnanais makapag-trabaho sa ibang bansa na maging maingat sa kanilang inaaplayan nilag trabaho partikular na sa mga illegal recruiter na lumalapit at nanghihikayat sa kanila.

Ayon kay Magsino, hindi dapat magpadala ang isang aplikanteng OFW sa mga natutunghayan nito sa “online” sapagkat dito kadalasan nagsisimula ang “illegal recruitment” sa pamamagitan ng madaling pamamaraan ng pagre-recruit ng mga OFWs.

Sinabi ng kongresista na tatlong biktima ng illegal recruitment na umuwi ng Pilipinas mula sa Laos at Myanmar ang dumalo sa ginanap na Dialogue at inilahad ang kanilang kalunos-lunos na karanasan sa nabanggit na bansa partikular na sa kamay ng sindikatong “Golden Triangle”.

Ikinuwento ng mga biktima na pinuwersa sila ng kanilang recruiter at Golden Triangle na magtrabaho bilang mga scammers na nag-ooperate sa Laos at Myanmar. Bukod dito, pinuwersa din silang manghikayat ng mga biktima para pumasok sa tinatawag na “crypto-currency”.

Ipinaliwanag ni Magsino na bukod sa masamang gawaing ito. Ang ilan sa mga nasabing biktima ay pisikal na sinasaktan o binubugbog ng mga tauhan ng Golden Triangle. Kung saan, ikinuwento pa ng isang biktima na siya’y kinukuryente at sadyang hindi pinapakain o ginugutom.