Barbers

Posibleng paggamit ng mga sindikato ng private plane para sa human, drug trafficking ikinabahala

Mar Rodriguez Feb 20, 2023
302 Views

NABABAHALA ang isang Mindanao congressman na posibleng kinakasangkapan ng malalaking sindikato ang kanilang ‘private plane” para maisagawa ang kanilang ‘modu-operandi” sa pamamagitan ng human at drug trafficking para gawing disimulado ang kanilang illegal activities.

Dahil dito, nananawagan si Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace S. Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), sa Manila International Airport Authority (MIAA) at sa Bureau of Immigration (BI) na masusing siyasatin ang isang insidente kung saan ginamit ang isang private plane para sa human trafficking.

Binigyang diin ni Barbers na kung nagagawa ng mga malalaking sindikato na makapagpuslit ng mga tao palabas ng bansa o human trafficking gamit ang isang private plane. Magagawa rin aniya nilang makapag-puslit papasok ng bansa ng mga illegal na droga na hindi namamalayan ng mga awtoridad.

“Years ago, I have already warned and alerted these officials on the possibility of drug trafficking using private planes. Back then, I had unconfirmed reports of such activities, this might explain the abundance of supply even during the war on drugs. The accidental discovery of the latest illegal activity could be but the tip of the iceberg,” ayon kay Barbers.

Iginiit ni Barbers na kailangan mayroong managot sa nasabing insidente. Sapagkat hindi aniya maaaring basta na lamang nangyari ang insidente ng hindi nakakarating sa kaalaman ng mga awtoridad. Partikular na ang mga taong naatasang mahigpit na ipatupad ang mga alitununin sa airport.

Sinabi naman ni Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na dahil sa pangyayaring ito. Muli na naman nakompromiso ang seguridad sa mga paliparan na isang indikasyon na masyado aniyang maluwag ang security sa mga airport bunsod ng kapabayaan ng mga ariport personnel.

Ipinaliwanag ni Dy na hindi dapat magmistulang “natutulog sa pansitan” ang mga airport security sapagkat mahahalagang kargamento ang pumapasok at lumalabas sa mga international at local airports. Kung kaya’t napakahalaga na maging alerto at mapagmatyag ang mga airport security.