Marcos admin abala sa pag-follow-up sa mga investment pledge

186 Views

ABALA umano ang administrasyong sa pag-follow-up sa bilyun-bilyong investment pledge na nakuha sa pagbiyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa iba’t ibang bansa.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual mahalaga na makapagsagawa ng follow-up sa mga pangako sa Pangulo upang matupad ang mga ito.

“Ang mga nakuha nating investment pledges ay napakarami at hindi tayo nagtatapos doon. Ang gagawin natin, ay pa-follow up natin yan para matuloy. Ang marching order ni Pangulo ay pag ibayuhin ang pagpa-follow up para masigurado yung investment ay maisasagawa nung mga nangako na magpapadala dito o yung mga maglalagay ng investment sa ating bansa,” sabi ni Pascual.

Batay sa ulat ng DTI at Office of the Presidential Assistant on Investment and Economic Affairs nakakuha ng USD4.349 bilyon o P239 bilyong investment project na ngayon ay nasa implementation stage na.

Mayroon naman umanong kabuuang USD28.863 bilyon o P1.5 trilyong halaga ng investment project ang nasa planning stage na.

Bukod sa pagtiyak na matutuloy ang mga pangakong investment, sinabi ni Pascual na titiyakin din ng DTI na magiging madali sa mga mamumuhunan ang pagnenegosyo sa bansa.

“Ang gagawin natin ay sisiguraduhin natin na yung enabling environment ay maayos yung mga kailangang magawa ng mabilis [tulad ng] pagkuha ng permit, pagkuha ng mga lisensya ay mapabilis. Dahil yang mga ganyan kapag may delay dyan naka turn off yung mga investor natin so kailangan natin yang maayos,” paliwanag ni Pascual.

“Mas lalo na dun sa time na iniimplemento na yung mga produkto sa construction dapat walang delay ano. Pagpapasok dito ng mga imported equipment kailangang mabilis din na mapapalabas ating pier ng Bureau of Customs,” dagdag pa ng hepe ng DTI.

Hanggang noong Pebrero 9, 2023 ay umabot na sa P414.3 bilyong investment project ang inaprubahan ng DTI-Board of Investments.