OFW Party List Group sa Kongreso pabor sa pag-aamiyenda sa Konstitusyon pero huwag isama pagbubuwag sa Party List system

Mar Rodriguez Feb 28, 2023
194 Views

NANININDIGAN ngayon ang Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes na hindi nila tinututulan ang planong pag-aamiyenda sa 1987 Philippine Constitution. Subalit iginiit naman nito na hindi dapat mapasama dito ang napapabalitang pagbubuwag sa Party List system.

Binigyang diin ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na malinaw na isinasaad ng Konstitusyon na kailangang magkaroon ng representasyon o kinatawan ang bawat sektor ng lipunan sa pamamagitan ng Party List system na hindi masyadong napag-uukulan ng pansin ng pamahalaan.

Ipinaliwanag pa ni Magsino na kung sakaling mayroon man pagkukulang sa mga umiiral na batas ay maaari naman itong resolbahin sa pamamaraan ng pakikipag-diyalogo. Kung saan, maaari naman imungkahi ang mga nais isusog o mga amiyenda sa Saligang Batas at sa Party List system.

Gayunman, sinabi ni Magsino na ang iminumungkahing pagbubuwag sa Party List system ay hindi solusyon sa problema sa 1987 Philippine Constitution. Sa halip ay lalo lamang itong magiging isang malaking suliranin sapagkat lalong mawawalan ng tinig ang mga sektor na nasa laylayan ng lipunan.

“As to the interpretation of the Constitution and the Party List System Act. I stand on the premise that the decision of the Court on Paglaum vs COMELEC , G.R. No. 203766 of April 2, 2013 is the prevailing doctrine and part of the laws of the land. The jurisprudence is very clear,” ayon kay Magsino.

Nauna nang sinabi ni Magsino na nagkaroon na ng desisyon ang Kataas-taasang Hukuman na sapat ng pamantayan ng Party List nominee para kumatawan sa isang sektor ng lipunan na nangangailangan ng kalinga.

Ayon kay Magsino, batay sa nasabing desisyon. Malinaw aniya na pinapanigan at kinakatigan ng SC ang layunin ng Saligang Batas partikular na ang isinasaad ng Party List Act na mabigyan ng boses sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga sektor ng lipunan na hindi gaanong napapansin.