Hagedorn

Kongresista mariing kinondena pagpatay kay Salilig

Mar Rodriguez Mar 3, 2023
190 Views

MARIING kinondina ng isang kongresista ang karumal-dumal na pagpatay sa Chemical Engineering student na si John Mathew Salilig ng Adamson University bunsod ng ‘fraternity hazing”. Kasunod ng panawagan nito sa mga awtoridad na huwag lubayan ang kaso hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang walang say-say na pagkamatay ni Salilig.

Nagpahayag ng labis na pagkadismaya si Palawan 3rd Dist. Congressman Edward S. Hagedorn kaugnay sa panibagong krimen na dapat sana ay naiwasan kung isina-alang-alang lamang ng mga salarin ang buhay ng kanilang kasamahan na itunuturing nilang kapatid o “brother”.

Binigyang diin ni Hagedorn na hindi dapat tumigil ang mga awtoridad hangga’t hindi napapanagot sa batas at nabibigyan ng hustisya ang kalunos-lunos na sinapit ni Salilig. Sapagkat kailangang maipakita ng mga awtoridad na walang puwang sa lipunan ang mga ganitong uri ng krimen.

Sinabi ni Hagedorn na kailangang kumilos din ang pamahalaan upang tuluyan ng masawata ang karahasan sa mga fraternity sa pamamagitan ng hazing. Dahil paulit-ulit na lamang ang mga ganitong insidente na mistulang hindi nadadala ang mga nasa likod ng ganitong organisasyon sa kabila ng mga umiiral na batas para mahinto ang karahasan sa mga fraternities.

Ipinaliwanag ng mambabatas na maganda ang layunin ng mga “college fraternities” dahil isinusulong nito ang kapatiran o “brotherhood” subalit nahahaluan na lamang aniya ng karahasan dahil sa mga hazing na nagdudulot ng masamang imahe sa isang organisasyon na hindi naman kailangan pang mangyari.

Kinatigan din ni Hagedorn ang inaalok na pabuya ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez para sa agarang ikakadakip ng mga salarin na responsible sa pagkamatay ni Salilig.