Calendar
Guanzon, hindi marunong magbasa ng desisyon
NOONG nakaraang linggo, inilabas na ng First Division ng Commission on Elections (Comelec) ang desisyon tungkol sa mga kasong naghahangad na tanggalan ng karapatan si dating Senador Bongbong Marcos (BBM) na tumakbo sa pagka-pangulo sa darating na halalaan ng Mayo 2022. At yun na nga, binasura ang mga kasong ito, ayon sa desisyon na sinulat ni Commissioner Aimee Ferolino.
Ang katwiran ng mga naghahangad na matanggalan ng karapatan na tumakbo si BBM sa darating na halalaan ay ang pangyayari noong halos tatlong dekada na ang nakalipas, kung saan hinatulan ng Regional Trial Court ng Quezon City (RTC) si BBM na nagkasala sa hindi pagbayad ng buwis kung saan siya’y ipinabibilanggo din ng hukom.
Inakyat ni BBM ang kaso sa Court of Appeals (CA), kung saan binago ang hatol ng RTC at hinayag nito na nabigo lamang si BBM na maipasa ang kanyang income tax return (ITR) noong siya’y nanunungkulan bilang gobernador ng Ilocos Norte noong taong 1985. Ang CA ay pinagbabayad lamang ng multa si BBM sa halip ng ipabibilanggo.
Samakatuwid, ayon sa hatol ng CA, ang tanging kasalanan ni BBM ay ang kabiguang maipasa ang kanyang ITR, at kaya siya’y pinawalang-sala ng CA sa krimen ng pag-iwas sa pagbayad ng buwis.
Sa totoo lang, hindi maaaring nagkasala si BBM ng pag-iwas sa pagbayad ng buwis dahil, bilang isang nanunungkulan sa gobyerno, ibinabawas kaagad ang buwis sa sahod niya. Samakatuwid, bago pa man makarating kay BBM ang sahod niya, naikaltas na ang buwis.
Napipinsala ang gobyerno kung ito ay hindi nakakakolekta ng nauukol na buwis. Ang buwis ay ang dugong nananalaytay sa gobyerno at kailangan talaga itong makolekta ng walang hadlang o pag-aatubili. Ngunit kung ang buwis naman ay nakolekta na, pero hindi lang naipasa ang ITR, walang naidudulot itong pinsala sa estado.
Uulitin ko, hindi hinatulan ng CA si BBM ng hindi pagbabayad ng buwis. Ang hatol sa kanya ay hindi niya naipasa ang kanyang ITR.
Ang ibig sabihin ng kaimbihang-moralidad (moral turpitude) ay ang kabiguang sundin ang mga pangunahing batayang-moral na obligasyon ng bawat isa. Ayon sa mga nakaraang desisyon ng Korte Suprema, ang kaibiguang magpasa ng ITR ay hindi krimeng kinasasangkutan ng kaimbihang-moralidad.
Ang hatol ng CA ay inakyat ni BBM sa Korte Suprema upang iapela ito, ngunit binawi niya rin ito nang pinahintulutan siya ng Korte Suprema.
Ang Opisina ng Solicitor General (OSG) ang humarap para sa hanay ng Estado sa mga kasong isinampa laban kay BBM. Ngayon, hindi naman lihim na ang OSG ay hindi pinapahintulutan na umapela sa hatol ng hukuman sa mga kasong kriminal. Bagama’t ang OSG ay maaring maghain ng petisyon na certiorari sa nakakataas na hukuman upang usisain ang desisyon ng nakakababang hukuman kung ito ay tunay na kakaiba. Nakakapagtataka lang kung bakit hindi nga naghain ng gayong petisyon ang OSG.
Kalaunan, ang hatol ng CA ay naging pangwakas at maisasatupad na (final and executory). Ito’y res judicata, kaya hindi na ito maaaring baguhin, kahit pa ng Korte Suprema.
Nang ibasura ng Comelec ang mga kaso laban kay BBM, inihayag nito na ang kaimbingang-moralidad ay isang bagay na tanging mga hukumang-batas lamang ang may kapangyarihang humatol, hindi ang mga ahensiyang tulad ng Comelec. Kung iyan ay papayagan, parang binigyan ng kapangyarihan ang Comelec na amyendahan o ibasura ang desisyon ng CA. Ang Comelec ay walang ganitong kapangyarihan.
Ipagpalagay natin na ang hatol ng CA ay mali, subalit ito’y hindi na nga mababago dahil ito’y res judicata tulad ng nabanggit ko na. At dahil ang “batas ng isang kaso” (law of the case) ay isang doktrinang legal, na ang ibig sabihin ay ang hatol sa kaso ay nagtatali na sumunod ang magkabilaang hanay, ang hanay ni BBM at ang hanay ng Estado.
Ang isang krimen ay maaaring mala in se (likas na kasamaan) tulad ng pagpatay, o mala prohibita (ilegal dahil ipinagbabawal ng batas) tulad ng pagkakaroon ng hindi lisensiyadong mga baril.
Sa hatol ng Comelec, ipinaliwanag ni Commissioner Ferolino na ang kabiguan ni BBM na maipasa ang kanyang ITR ay hindi kinasasangkutan ng kaimbingang-moralidad dahil ito’y hindi mala in se, ngunit mala prohibita lamang.
Ang kakaretiro lang na si Commissioner Rowena Guanzon ay nagpahiwatig na ang pahayag ni Ferolino ay hindi naayon sa mga pinakabagong desisyon tungkol sa pakay na ito. At ito’y ikinalat ni Guanzon sa kangyang mga social media accounts kung saan ipinagyabang din niya ang kanyang mga titulo sa abogasya. Kung bakit kailangan pa niyang ihayag ang mga nakamit niya sa larangan ng edukasyon ay si Madame Auring lamang ang makakahula. At baka pa nga sabihin ni Madame Auring na kaya niya ipinagyayabang pa ang kanyang mga titulo sa abogasya ay dahil wala siyang tiwala sa katotohanan ng mga pinagsasabi niya.
Sa tingin ko, hindi talaga binasa ng maigi ni Guanzon ang desisyon ng Comelec dahil nakikitang hindi niya naiintidihan ang tunay na kahalagahan ng desisyon ayon sa pagtatalakay ko sa mga naunang talata. Ang tanging mahalaga, kung ang pagkabigo sa pagpasa ng ITR ay mala in se o mala prohibita ay hindi na kailangang pagtatalunan pa dahil ayon sa mga nakaraan desisyon, ito’y krimeng hindi kinasasangkutan ng kaimbingang-moralidad.