Calendar
Dating adik nagpasalamat sa drug war ni DU30
ISANG dating adik ang pumunta sa campaign rally ni vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte upang ipakita ang kanyang suporta at bilang pasasalamat sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga.
Inabangan ng 23-anyos na si Emil ang pagdating ng kanyang idol na si Mayor Duterte sa Sta. Barbara in Agoo, La Union noong Biyernes kasama ang libu-libong iba pa.
Kuwento ni Emil, residente ng Bauang nagsimula siyang gumamit ng ipinagbabawal na gamot noong siya ay high school.
Kung hindi umano dahil sa war on drugs ni Pangulong Duterte malamang ay hindi pa rin siya tumitigil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
“Nagpapasalamat ako kay presidente dahil sya ang naging president at nawala ang mga addict sa Pilipinas. Maganda ang nagawa ni Presidente,” sabi ni Emil.
Ngayon siya ay mayroong ng asawa at anak na kanyang inspirasyon sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Siya ay kumikita sa pamamasada ng tricycle.
Ayon kay Emil pumunta siya sa Agoo para makita si Mayor Duterte na nangako na ipagpapatuloy ang mga magandang nagawa ng kanyang ama kasama rito ang war on drugs.
“Pumunta ako dito para makita si Sara. Idol ko siya at idol ko ang tatay niya dahil nabago niya ang mga addict,” dagdag pa ni Emil.
Si Mayor Duterte ay pumunta sa La Union bilang bahagi ng kanyang Mahalin Natin ang Pilipinas Ride na naglalayong palaganapin ang panawagan na magkaisa at personal na marinig ang boses ng mga mamamayan na nais nitong paglingkuran.