Martin

Implementing bill ng RBHN6 pasado sa Kongreso

Mar Rodriguez Mar 16, 2023
248 Views

PUMASA na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara de Representantes ang “implementing bill” ng Resolution of Both Houses no. 6 o ang Kongreso at Senado kaugnay sa pagpapatawag ng Constitutional Convention (Con-Con) para sa pag-amyenda o pag-repaso sa 1987 Philippine Constitution.

Sa pamamagitan ng botong 301-pabor; 7-tutol; at 0-abstain. Pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 7352.

Pinangunahan mismo ni House Speaker Ferdinand Martin Gonez Romualdez ang naganap na botohan para sa Con-Con.

Nakasaad sa nasabing panukala na isang “Hybrid Con-Con” ang gagawin, at mga delagado ay bubuuin ng higit 300 miyembro. Kung saan, nasa mayorya ay elected o ihahalal habang ang 20% ng kabuuang bilang ng mga delegado ay appointed o itatalaga ng Senate President at House Speaker.

Ang eleksyon ng mga delegado ay gagawin sa huling Lunes ng Oct. 2023 kasabay ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.

Ang termino ng mga delegado ay mula Dec. 2023 hanggang June 30, 2024.

Isasagawa naman ang convention sa Philippine International Convention Center o PICC, sa Dec. 1, 2023 — at hindi na sa session hall ng Batasan Pambansa.

Isinusulong ang P10,000 para sa “actual attendance” kada araw ng bawat delegado; maliban pa sa kinakailangang “travelling at lodging expenses.”