Calendar
Magkakalabang kandidato sa Pangasinan nagkasundo sa pagsuporta kina BBM, Inday Sara
MAGKAKALABAN man, sama-samang sinuportahan ng mga kandidato sa Pangasinan mula sa iba’t ibang partido sina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte.
Ipinahayag nina reelectionist Pangasinan Gov. Amado “Pogi” Espino III at ng makakalaban nitong si Pangasinan Rep. Ramon “Mon-Mon” Guico III ang kanilang pagsuporta kina Marcos at Duterte ngayong Sabado.
Pinangunahan nina Espino, stalwart ng PDP-Laban, at Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil, ng National Unity Party (NUP) ang mga lokal na opisyal sa pagsalubong kay Duterte sa provincial capitol.
Kumpiyansa rin si Espino sa kakayanan ni Duterte na maituloy ang magagandang nagawa ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte.
Tiniyak naman ni Guico, stalwart ng Nacionalista Party (NP), na landslide ang magiging panalo nina Marcos at Duterte sa Pangasinan na mayroong halos 2 milyong botante.
“Regardless of political colors, I think Pangasinan is united for BBM-Sara,” sabi ni Guico.
Sinamahan ni Guico si Duterte sa Alaminos City kung saan pinasinayaan ang SARA for VP Alaminos Headquarters.
Sinabi nina Pangasinan Rep. Christopher De Venecia at dating Pangasinan Rep. Rachael Arenas na tiyak na ang panalo nina Marcos at Duterte sa kanilang probinsya.
“We have to ensure bilang isang ka-partido ni Ma’am Inday Sara Duterte at siya ang aming standard-bearer na dapat makapag-deliver din ang Pangasinan for Ma’am Inday, so ‘yan yung i-ensure natin, kakarerin natin and maraming activities po ang Lakas-CMD para kay Ma’am Inday,” sabi ni de Venecia, stalwart ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).
Ayon kay Arenas nakakatuwa na nagsama-sama ang mga pulitiko mula sa iba’t ibang partido para suportahan sina Marcos at Duterte.
Pumunta rin sina dating Pangasinan Rep. Mark Cojuangco ng Nationalist People’s Coalition (NPC), dating Alaminos City Mayor Arthur Celeste, ng NP, at iba pang lokal na opisyal ng probinsya sa inagurasyon g headquarters upang ipakita ang kanilang suporta.