Speaker Romualdez

Speaker Romualdez ipapakulong magsisinungaling sa congressional inquiry

185 Views

Hoarders na sibuyas kilala na 

TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na diretso sa
bilangguan ang mga magsisinungaling sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food ngayong Martes kung saan inaasahang makikilala ang mga nasa likod ng kartel ng sibuyas at iba pang mga produktong pang-agrikultural na nagpapahirap sa bansa.

“Inuulit ko, sa kulungan kayo dadamputin kung hindi kayo magsasabi ng totoo,” ani Romualdez.

Sinabi ni Romualdez, malinaw ang misyon ng mga kongresista sa
pangunguna ni Quezon Rep. Mark Enverga sa pagsasagawa ng
imbestigasyon para maibaba ang presyo ng sibuyas sa Mercado at mabuwag ang kartel sa bansa

“Sa lalong madaling panahon, dapat maibaba natin ang presyo ng sibuyas at bawang at mabuwag ang pahirap na kartel. Sinisiguro kong sa kulungan babagsak
ang mga mapagsamantala at mapang-abusong mga indibidwal at negosyante na nasa likod ng manipulasyo ng presyo ng mga produktong pang-agrikultural,” ani Romuladez.

“Kailangang makilala kung sino ang bumubuo ng kartel na nagmamanipula ng presyo ng bilihin. Kailangang buwagin ang mga kartel na ito na nagpapahirap sa bayan,” giit ni Romualdez.

Ayon kay Romualdez, hindi rin sasantuhin ng komite ang mga opisyal ng pamahalaan na posibleng nakikipagsabwatan sa kartel.

“Mag-ayos at magtino na kayo dahil hindi namin paliligtasin maging ang mga pampublikong opisyal na nakikipagsabwatan sa kartel. Pinapahirapan
ninyo ang buhay ng mga Pilipino,” pahayag ni Romualdez.

Katulad nina Enverga at SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta,
sinabi ni Romualdez na inaasahan nila ang kooperasyon nina Argo
President and General Manager Efren Zoleta Jr., Argo Operations
Manager John Patrick Sevilla, at kanilang legal counsel na si Jan Ryan Cruz sa pagkilala ng hoarders.

“Magsilbing leksiyon sa inyo ang ginawa ng komite. Kung hindi kayo
magsasabi ng totoo, ibabalik namin kayo sa kulungan,” ani Romualdez.

Naunang binawi ng komite ni Enverga ang contempt matapos tiyakin ni Cruz sa mga kongresista na wala silang intensiyon na balewalain o i-delay ang proseso ng imbestigasyon at kanilang ibibigay ang buong
kooperasyon.