Panukalang batas na magpapabawas sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho lumusot na sa Kamara sa botong 277

Mar Rodriguez Mar 21, 2023
127 Views

PINAGTIBAY na ng Kamara de Representantes ang panukalang batas na naglalayong mabawasan ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga bakanteng trabaho o “available jobs” na tumutugma at umaangkop sa kanilang “educational attainment”.

Sa botong 277 at zero absentention, inaprubahan na sa plenaryo para sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 7370 o mas kilala bilang “An Act creating a tripartite council to address unemployment, underemployment and job skills mismatch problem in the country”.

Sa ilalim ng HB No. 7370, malaki ang maitutulong nito para matugunan ang unemployment sa bansa. Partikular na ang mga unemployed workers, college students at mga studyante.

Kung saan, ang itatatag na “Tripartite Council” ang siyang tutulong sa kanila para makahanap ng trabaho na tugma sa kanilang “college degree”.

Sinabi ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit patuloy na namamayagpag ang kawalan ng trabaho o unemployment sa Pilipinas ay bunsod ng kakulangan ng tinatawag na “competency” ng isang aplikante na hinahanap naman ng isang employer.

Ipinaliwanag ni Speaker Romualdez na hindi angkop ang tinapos o “college degree” ng isang aplikante sa hinahanap naman ng isang employer.

“Part of our unemployment problem is due to the fact that many of the new members of our labor force do not possess the competency employers are looking for. Their education and job requirements do not match. This is one of the problems we would like to address,” paiwanag ng House Speaker.

Sinabi pa ni Romualdez na kabilang sa mga “main objectives” ng nasabing panukalang batas ay ang tiyakin na mayroong “relevance at adequacy” ng academic course sa isang higher education at training programs na inaalok naman ng mga “technical vocational institutions” batay sa pangangailangan ng mga business at industry sectors at iba pang kompanya.

Sinabi naman ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na malaki ang maitutulong ng HB No. 7370 upang matugunan ang matagal ng problema ng bansa patungkol sa kawalan ng trabahong mapapasukan ng mga nagtatapos sa kolehiyo.

Ipinaliwanag ni Madrona na taon-taon ay maraming estudyante ang nagtatapos sa kolehiyo. Subalit ang napakalaking problema na kinakaharap nila ay ang paghahanap ng trabahong mapapasukan. Kung saan, ang ilan sa kanila ay napipilitan pumasok sa mababang uri ng trabaho para lamang kumita.

Ayon kay Madrona, may mga estudyante umano ang napipilitang pumasok ng trabaho na taliwas naman sa kanilang pinag-aralan para lamang mabuhay at matustusan ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. Dahil narin sa kawalan ng sapat na trabaho na angkop sa kaniyang “college degree”.