Calendar
BOC-NAIA hinuli Koreanong may hindi deklaradong $167,300 pera
INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), Enforcement and Security Service (ESS), at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang isang Koreano na may dala umanong foreign currency na nagkakahalaga ng USD 167,300 (P9.196 milyon) na hindi idineklara.
Ang pasahero ay inaresto sa NAIA Terminal 1 na mula sa Incheon International Airport at sumakay ng Asiana Airlines Flight number OZ701.
Nagsagawa ng physical examination sa bagahe ng pasahero at nakita ang pera na nakatago sa isang libro.
Naglabas ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) kaugnay ng paglabag sa regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Section 1113 (L) ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ipinaalala ng BOC sa publiko na ang isang tao ay pinapayagan lamang na magdala ng hanggang USD 10,000 o katumbas nito.
Kung lagpas sa USD 10,000 ang dalang pera, dapat ay ideklara ito sa pamamagitan ng pagsagot ng Customs Baggage Declaration Form at Foreign Currency Declaration Form (FCDF) bago dumating o umalis sa paliparan ng bansa.
Nangako ang BOC-NAIA, sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Carmelita M. Talusan na patuloy na paiigtingin ang kanilang operasyon alinsunod sa direktiba ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio.