Calendar
Miyembro ng Gabinete ni PBBM suporta sa constitutional reform ng Kamara
SUPORTADO ng mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang itinutulak na pag-amyenda ng economic provision ng Konstitusyon, ayon kay Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez.
Sinabi ni Rodriguez, chairperson ng House committee on constitutional amendments na nakaka-enganyo ang pagsuporta ng economic team ng Pangulo sa panukala na naglalayong paramihin ang mga dayuhang namumuhunan sa bansa upang dumami ang mapapasukang trabaho at lumakas ang ekonomiya.
Ang pinakahuli umanong miyembro ng Gabinete na nagpahayag ng pagsuporta sa panukala ay si Finance Secretary Benjamin Diokno.
“We are heartened by Secretary Diokno’s supportive statement. He is an influential voice in the administration and in the business community,” sabi ni Rodriguez.
Ayon kay Rodriguez nagpahayag ng pagsuporta sa panukala sina Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual, National Economic and Development Authority Director-General Alfredo Balisacan, Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo batay sa position paper na kanilang isinumite sa komite.
Sinabi ni DTI Sec. Pascual na bagamat mayroong mga naipasang batas ang Kongreso na makatutulong sa ilang sektor ng ekonomiya nangingibabaw pa rin sa mga dayuhang mamumuhunan ang limitasyong nakasaad sa Konstitusyon.
“I think we’re the only two countries (the other is Myanmar) that have economic restrictions, foreign (investment) limitations that are enshrined in the Constitution,” sabi ni Sec. Pascual.
Ayon naman kay Sec. Balisacan bukas ang NEDA sa pagbabago sa restrictive economic provision na ang layunin ay mapalago ang ekonomiya.
Sinabi naman ni DILG Sec. Abalos sa komite ni Rodriguez na ang kanyang ahens ay naglabas ng Core Constitutional Reform Handbook na nagsusulong sa pag-amyenda sa Konstitisyon.
Naniniwala naman si DSWD Sec. Gatchalian na napapanahon ang pag-amyenda sa Konstitusyon partikular ang bahagi ng economic provision dahil hindi na ito angkop sa kasalukuyang panahon.
Sinabi naman ni DFA Sec. Manalo na maraming dayuhan ang nais na magretiro at magtayo ng negosyo sa bansa. Dahil sa limitasyon umano ng Konstitusyon ay nag-aasawa ng Pilipina ang mga ito upang makapaglagak ng pamumuhunan.
Ayon kay Rodriguez ang mga lokal na pamahalaan na miyembro ng Union of Local Authorities of the Philippines at pinangungunahan ni Quirino Gov. Dakila Cua ay pabor din sa inisyatiba ng Kamara.
“Whether through the process of a constituent assembly or constitutional convention, we can clearly see that some changes are necessary to address the various challenges the country is facing,” sabi ni Cua sa isinumite nitong position paper sa komite.
Dagdag pa ni Rodriguez, ang economic team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pangunguna ni dating Finance secretary Carlos Dominguez ay sumuporta rin sa pagbabago ng Konstitusyon.