Tansingco

Pinay na-scam sa trabaho, nagbayad ng ransom para makauwi sa bansa

193 Views

Isang Filipina na na-scam sa papasukang trabaho sa Myanmar ang kinailangan pang magbayad ng ransom para makauwi sa Pilipinas, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco ang Filipina ay dumating sa bansa sakay ng Philippine Airlines flight mula sa Bangkok noong Abril 4.

Sinabi ni Tansingco na na-recruit ang Filipina sa pamamagitan ng Facebook at pinangakuan ng $1,000 sahod bilang Customer Service Representative sa Thailand.

Ang biktima ay sinabihan na magpanggap bilang turista upang makalusot sa immigration inspection. Pagdating sa Thailand ay sinundo ito at dinala sa Myanmar sakay ng bangka.

Pinagtrabaho umano ang biktima bilang marketing scammer na ang target ay mga Indian national na hinihikayat umano na mag-invest sa ‘Pacific Mall.’ Pinagtatrabaho umano ang biktima ng halos 16 oras araw-araw at walang dayoff at suweldo.

Upang payagang umuwi, pinaghanap umano ito ng tatlong kapalit.

Nakahanap ang biktima ng isang kakilala na nakagawa ng pekeng itinerary para sa apat na indibidwal na pupunta sa Thailand.

Matapos burahin ang mga ebidensya sa kanyang cellphone, dinala ang Filipina sa Thailand at doon ay nakahingi ito ng tulong sa Philippine Embassy.