Calendar
Kamara lalong sisipagin sa mataas na rating ni Speaker Romualdez
MAS lalo umanong sisipaging magtrabaho ang Kamara de Representantes dahil sa mataas na rating na nakuha ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa huling survey ng Octa Research.
Ayon kay House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe prayoridad ng Kamara na maaprubahan ang mga panukalang batas na makatutulong upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
“We are proud to have a leader like Speaker Martin. His leadership has restored faith that the House of Representatives truly reflects the will of the people and acts in the best interest of the nation,” sabi ni Dalipe.
Ayon kay Dalipe naaprubahan na ng Kamara ang 23 sa 31 panukalang batas na prayoridad na maisabatas ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ang 23 panukala, ani Dalipe ay may kaugnayan sa pagpapalakas ng ekonomiya, paglikha ng mapapasukang trabaho, pagbawas ng kahirapan sa bansa at pagbibigay ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino.
“The latest survey findings of the Octa Research attest to this fact: we have regained the trust and confidence of the Filipino people. Thanks to our hard-working Speaker,” dagdag pa ni Dalipe.
Sa Tugon ng Masa (TNM) first quarter 2023 survey ng Octa Research, nakapagtala si Speaker Romualdez ng 55 porsyentong trust rating at 59% performance rating.
Mataas na trust rating din ang nakuha nina Pangulong Marcos (83%), Vice President Sara Duterte (87%), Senate President Juan Miguel Zubiri (50%), at Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo (39%).
Sa kaparehong survey mataas din ang performance rating na naitala nina Pangulong Marcos (80%), Duterte (84%), Zubiri (53%), at Gesmundo (41%).