Dy

Mataas na rating ni Speaker Romualdez pagpapatotoo tiwala publiko sa Kongreso

Mar Rodriguez Apr 21, 2023
181 Views

PINAPURIHAN ng isang Northern Luzon congressman si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez dahil sa mataas na “performance rating” na nakuha nito mula sa isinagawang survey ng Octa Research na isang pagpapa-totoo na unti-unti ng bumabalik ang tiwala ng publiko sa Kongreso.

Binigyang diin ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Faustino “Inno” A. Dy V na ngayong unti-unti ng bumabalik ang kumpiyansa ng mamamayan sa kasalukuyang liderato ng Kongreso. Mas kailangan pa aniyang sipagan nilang mga kongresista ang kanilang trabaho.

Sinabi ni Dy na kailangan nilang doblehin ang kanilang pagta-trabaho at pagsisikap upang lalo nilang maipakita sa mga Pilipino na karapat-dapat lamang silang pagkatiwalaan sa pamamagitan ng pagpasa ng mga makabuluhang panukalang batas na pakikinabang ng publiko.

Sa survey ng Octa Research, nakakuha si Speaker Romualdez ng 55% trust rating. Kung saan, ito ang pinaka-malaking increase sa ratings na ginawa ng TNM noong nakaraang October 22, 2022 sa kanilang survey na nagpapakita na tumaas ng 17% ang nakuhang trust rating ng House Speaker.

Dahil dito, ipinaliwanag pa ni Dy na ang mataas na performance rating na nakuha ng House Speaker ay hindi lamang maituturing na isang “personal achievement” kundi achievement narin ng liderato ng Kamara de Representantes bunsod ng napaka-gandang team work ng mga mambabatas.

Ayon kay Dy, ang tagumpay ni Speaker Romualdez ay tagumpay na rin nilang mga kongresista sapagkat ang mahusay na pamamalakad at pagti-timon ng House Speaker bilang isang mahusay na lider at nagre-reflect aniya sa lahat ng miyembro ng 19th Congress na nagsisikap at nagsisipag sa kanilang trabaho.

“Nakaka-inspire ang mataas na performance rating ng ating butihing House Speaker. Dahil ang kaniyang tagumpay ay tagumpay narin naming mga congressmen. Ang ibig sabihin nito ay kailangan pa naming lalong magsipag at doblehin ang aming effort para sa taongbayan na nagtiwala sa amin.” Pahayag ni Dy.