GMA

Panukalang batas para baguhin ang sistema ng K to 12 education program isinusulong

Mar Rodriguez Apr 28, 2023
826 Views

ISINUSULONG ni House Senior Deputy Speaker at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagre-rebisa sa sistema ng K to 12 education program sa pamamagitan ng inihain nitong panukalang batas sa Kamara de Representantes para baguhin ang mga alituntunin nito.

Sa ilalim ng House Bill No. 7893 na inihain ni Macapagal-Arroyo, layunin nito na mabago ang kasalukuyang sistema ng K to 12 sa bansa na nagsisimula sa antas ng Kindergarten at dadagdagan ng labing-dalawang taon (12) ng “basic education”.

Papalitan ng HB No. 7893 ang sistema upang ang nasabing “basic education” ay maging K + 10 + 2 na ang ibig sabihin ay Kindergarten plus anim na taon sa elementarya at apat (4) na taon sa “secondary education”.

Ito’y susundan naman ng dalawang taong “post-secondary at pre-university” pa lamang sa mga gustong mag-aral sa kolehiyo.

Sinabi ni Macapagal-Arroyo na sa kasalukuyang K to 12 educational program ang isang mag-aaral na nagtapos ng Grade 10 ay kinakailangang kumuha ng karagdang dalawang taon para sa Junior at Senior High School bago masasabing graduate na siya ng High School.

Iminumungkahi ng kongresista na maibalik ang “basic education” sa dating sitema nito. Kung saan, sa halip na 12 taon ay ibabalik ito sa nakagisnang 10 taon para makapagtapos ng “secondary education” at magdaragdag lamang pang dalawang taon para naman sa tinatawag na “post-secondary at pre-university courses” o paghahanda para sa kolehiyo.

Ipinaliwanag pa ni Macapagal-Arroyo na ang mga estudyanteng nagtapos ng secondary education o K + 10 ay maaaring magtrabaho o tumulong sa kaniyang mga magulang na magtayo ng maliit na negosyo kung siya ay hindi magtutuloy o mag-aaral sa kolehiyo.

Ayon kay Macapagal-Arroyo, ang post-secondary pre-university courses ay isang sistema o paraan para lalong maging handa ang isang “secondary education graduate” na nagnanais kumuha ng kahit anong “degree courses” tulad ng political science, nursing, medicine, engineering, business administration at iba.

Gayunman, nabatid pa kay Macapagal-Arroyo na ayon sa Section 2 ng kaniyang panukala. Ang Department of Education (DepEd) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay dapat magkasundo sa mga tamang estratehiya at mekanismo para sa “fine tuning” o pagsasa-ayos ng kanilang programa at pangangailangan tulad ng infrastraktura.