Daza

PBBM dadalo sa ASEAN Summit

183 Views

DADALO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ika-42 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na gaganapin sa Indonesia.

Inaasahan umano ang paggiit ni Pangulong Marcos sa mga mahahalagang usapin sa ASEAN region at ang pagpapatibay ng kooperasyon ng Pilipinas sa mga bansa na miyembro nito.

Sa isinagawang pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs-Office of ASEAN Affairs (DFA-OAA) Deputy Assistant Secretary Angelito Nayan na kasama sa mga isyu na dadalhin ng Pangulo sa ASEAN ang pangangailangan na magkaroon ng sapat na suplay ng pagkain sa rehiyon, pagpapa-unlad ng ekonomiya, paglaban sa transnational crime, pagpapalawak ng technical and vocational education at mga pagsasanay, paggamit ng climate and disaster resilient technology, pagpapalakas ng paggamit ng renewable at alternative energy, at pagbibigay proteksyon sa mga migrant workers.

Ayon naman kay DFA spokesperson Ambassador Teresita Daza ang ASEAN Summit at magbubukas sa Mayo 10.

Pag-uusapan din umano ang pagiging full member ng Timor Leste sa ASEAN, ayon kay Daza.

Inaasahan umano ang pagdalo sa Summit ng Prime Minister ng Timor Leste na si Taur Matan Ruak bilang isang observer.

Makikibahagi rin umano si Pangulong Marcos sa ika-15 Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East Asian Growth Area (BIMP-EAGA) Summit na gaganapin sa Mayo 11. Ang kasalukuyang chairman nito ay si Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim.

“Here, the President during this meeting, the President will discuss developments and the BIMP-EAGA Vision 2025 towards promoting economic development, strengthening connectivity and the sustainable management of natural resources in the sub-region,” dagdag pa ni Daza.